JUNJUN QUINTANA OKEY LANG MAIHAMBING KAY BENJAMIN ALVES

JUNJUN QUINTANA

ISANG magaling na aktor si Junjun Quintana na na­kilala sa mga pelikulang “Water Lemon,” “Dayang the pointAsu,” Quick Change” at marami pang iba.

Nanalo siya ng Gawad Urian best supporting actor para sa pelikulang Philippine Story na naging kalahok sa Ci­nema One Originals noong 2013.

Ngayong taon, balik-Cinema One Originals kung saan may mahalaga siyang papel sa “Pag­lisan” isang animated drama musical.

Ginagampanan ni Junjun ang role ni Paul, na super fan nina Donna Cruz, Regine Velasquez at Mikee Cojuangco.

Ayon pa kay Junjun, sobrang na-enjoy niya ang paggawa ng animation dahil lahat daw naman tayo ay may pusong  bata sa totoong  buhay.

“Enjoy siya. Actually, first time ko itong gumawa ng animation. Sa totoo lang, parang naglalaro lang kami kasi wala naman kaming sinusundang an-imation.  Ang challenge dito ay para doon sa mga animator namin, sila iyong nag-a-adjust sa amin.  Sila iyong nag-create at nag-recreate ng emotions ng mga characters at kung paano ba ang magiging facial expressions namin,” sey niya.

Hiningan din namin siya ng pahayag ukol sa  isyung look-alike niya ng Kapuso actor na si Benjamin Alves.

Ayon sa kanya, madalas nga raw siyang mapagkamalang si Benjamin at may mga pagkakataong may nako-confuse daw sa kanilang dalawa.

“Kami ni Ben, magkakilala kami nang personal. Matagal na kaming magkaibigan. Tinatawanan lang niya iyong ganoon kapag may nagsasabing may anggulong magkahawig kami. Actually, naniniwala nga siya na magkahawig kami,” aniya. “May mga pagkakataong may nako-confuse lalo na kapag may fans na nagpapa-picture o kaya’y nagpapakilala,” dugtong niya.

Gayunpaman, hindi raw naman siya nao-offend kung napagkakamalan siyang si Benjamin.

“Actually, it’s a compliment for me. He’s a good friend of mine. He’s also a good actor. It’s actually a compliment para sa akin na maihambing iyong physical features ko sa kanya o medyo magkahawig kami. Ma­buting kaibigan si Ben and I’m very much happy for him at sa mga nangyayari sa kanya,” paliwanag niya.

Isang happy family man si Junjun at low profile siya pagdating sa kanyang pribadong buhay.

“Ayoko kasing mag-entertain ng ideya na lahat ng bagay kailangang i-share mo sa publiko. May mga bagay na kailangang  itira mo rin para sa sarili mo. Pagdating sa family, medyo pribado lang ako. Mas maganda na iyong achievements mo na lang ang mapag-usapan,” aniya.

Kasama ni Junjun sa “Paglisan” sina Eula Valdes, Ian Veneracion at Khalil Ramos.

For your comments/reactions write to [email protected].