JUNJUN SUPORTADO NG UNA

JUNJUN BINAY-3

HINDI man siya ang opisyal na pambato ng partido, makaaasa naman si dating Makati Mayor Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay Jr. sa suporta ng mga pangunahing lider ng United Nationalist Alliance (UNA) sa kanyang kampanya upang makabalik sa puwesto na dalawang magkasunod na termino niyang pinangasiwaan.

Ito ay ayon kay UNA Secretary General Atty. JV Bautista na kahapon ay kinumpirma na ang mga lider ng UNA ay kaisa sa panawagan ng lungsod ng Makati na bumalik sa pamumuno si Binay Jr.

“Ang aming pagsama kay Mayor Junjun kahapon ay kumakatawan sa a­ming hangarin. Gaya ng mga konsehal at mga kapitan ng barangay na lantarang nagpahayag ng kanilang pagsuporta kay Mayor Junjun, naniniwala kami na siya ang mas nararapat sa katungkulan ng punong-lungsod,” ayon sa lider ng UNA.

Naghain noong Martes ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Binay, Jr. sa Makati Comelec office, kung saan sinalubong siya ng mahigit 15,000 mga taga-suporta mula sa iba’t ibang bahagi ng Makati. Kasama nito ang kanyang kapatid na si UNA President Sen. Nancy Binay; ang nakababatang kapatid na si Anne; ang Chief of Staff ng dating Bise Presidente na si Benjamin Martinez; si dating Comelec Chairman Sixto Brillantes; at si Bautista.

Noong nakaraang linggo, 13 sa 16 mga halal na konsehal at 21 sa 33 kapitan ng barangay ay lantarang nagdeklara ng kanilang suporta kay Binay Jr., na umani rin ng pagsuporta ng mga senior citizen, women’s groups, at mga organisasyon ng vendors at maliliit na negosyo.

Titiyakin umano ni Binay Jr. na ang kanyang mga tagasuporta ay tutupad sa mga alituntuning inilatag ng kanyang ama, sa kanyang panawagan sa magkabilang kampo, na isagawa ang isang malinis na kampanyang nakabatay sa plataporma.

“Hindi rin madali, kasi siyempre, may dalawang kandidato, pareho kaming naging mayor, kaya natural lamang sa aming mga tagasuporta na ipaghambing ang uri ng aming liderato. Ang maipapangako lamang namin ay ang pagsumikapan na manatiling mahinahon sa debate at kampanya,” ayon kay Binay Jr.

Hindi rin umano nito mapipigilan ang mga kasalukuyang konsehal na idepensa ang kanilang mga sarili sa harap ng mga akusasyon ng kanyang kapatid, na pinaratangan ang mga ito na sangkot umano sa mga “kasuklam-suklam” na gawain matapos magbawi ng suporta at magdeklara ang mga ito ng hayagang pagtaguyod sa kanyang kandidatura.

“Intindihin natin kung saan nanggagaling ang mga ito. Nang ang mga konsehal ay nasa kanya, wala naman siyang reklamo. Ngunit matapos lumabas at hayagang nagdeklara ng suporta sa akin, bigla na lang silang pinaimbestigahan. Siyempre may karapatan din silang ipagtanggol ang sarili nila, at linisin ang kanilang pangalan.”

Nauna nang minaliit ni Campos ang paglipat-bakod ng 13 sa 16 mga konsehal, at sinabing ito ay bahagi lamang ng isang “political drama para gumawa ng smokescreen para maitago ang kanilang mga kasuklam-suklam na gawain.” Inamin din ni Campos na pinaiimbestigahan na nito ang mga nabanggit na konsehal ng lungsod.

One thought on “JUNJUN SUPORTADO NG UNA”

Comments are closed.