JUSTICE SEC UUPONG SOLGEN, RET. AFP CHIEF OIC NG DEFENSE DEPT

ITINALAGA ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si retired AFP chief of staff General Jose Faustino bilang Senior Undersecretary at Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND).

Ayon kay incoming Presidential Communications Operations Office Secretary Trixie Cruz-Angeles, nakipagpulong si Marcos kay Faustino kasama si incoming National Security Adviser Clarita Carlos kahapon.

Pero dahil katatapos lamang mag-retiro ni Faustino noong Nobyembre 12, 2021, sa Nobyembre 13, 2022 pa ito makauupo sa puwesto.

Ito ay bilang pagsunod sa one-year ban ng appointment ng retired military officers sa ilalim ng Republic Act 6975.

Si Faustino ay miyembro ng Philippine Military Academy “Maringal” Class of 1988.

Nagsilbi ring commander ng Joint Task Force Mindanao at commanding General ng Philippine Army si Faustino bago naitalagang AFP Chief of Staff.

Samantala, si Justice Secretary Menardo Guevarra naman ang uupo bilang susunod na Solicitor-General kapalit ni Jose Calida.

Si Guevarra ay 30 taon nang abogado at nag-graduate na magna cum laude major sa Political Science sa Ateneo de Manila University noong 1974.

Nakakuha rin si Guevarra ng Masters in Economics sa University of the Philippines at nagtrabaho sa National Economic and Development Authority (NEDA) noong 1977 hanggang 1983.

Nakakuha si Guevarra ng Bachelor of Laws degree sa Ateneo at pumangalawa sa 1985 bar exams.

Bago naging kalihim ng DOJ, nagsilbi muna si Guevarra bilang Deputy Executive Secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte. EVELYN QUIROZ