JUVENILE JUSTICE WELFARE ACT ‘DI NAIPATUPAD

LUMALABAS sa pagdinig ng Senate Justice Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon na hindi naipatupad nang maayos ang Juvenile Justice Welfare Act dahil sa kakulangan ng pondo.

Sa pagdinig, inamin ni Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) Executive Director Atty. Tricia Oco na may kakulangan sila sa Bahay Pag-asa para sa paglalagyan ng minor offenders.

Ani Oco, tanging 55 na Bahay Pag-asa pa lamang ang nag-ooperate sa buong bansa na dapat sana ay 140.

Idinagdag pa nito, minsan ay may mga law enforcement ang hindi nakauunawa na kapag murder ang kaso ng isang bata dapat ay dini-detain na sa Bahay Pag-asa.

Lumabas din sa pagdinig na walang pondo na nakapaloob sa 2019 budget para sa Bahay Pag-asa.

Dahil dito, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagdinig na kanyang isusulong sa Bicam para sa budget hearing ang paglalaan ng pondo para sa Bahay Pag-asa upang maipatupad nang maayos ang Juvenile Justice Welfare Act.

Sa panayam, aminado rin si Gordon na may problema sa pondo at sa implementasyon kaya pumalpak ang pagpapatupad ng batas.     VICKY CERVALES

Comments are closed.