JV GAGAMIT NG ESTRADA SA 2019 POLLS

Senador JV Ejercito

INIHAYAG ni Senador JV Ejercito na gagamitin niya ang Estrada bilang nickname sa 2019 midterm elections upang hindi umano magtampo si Manila Mayor Joseph Estrada.

Sa isinagawang Kapihan sa Senado, muling iginiit ni Ejercito na sumama ang loob ni Mayor Erap nang lumipat siya sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) matapos na manumpa kay Senate President Vicente Tito Sotto III.

Sinabi ni Ejercito na kanyang susubukang kausapin ang ama sa susunod na linggo para maipaliwanag ang kanyang naging desisyon sa paglipat sa NPC at pag-iwan sa Partido ng Masang Pilipino na itinatag ng kanyang ama.

Una nang sinabi ng senador na hindi magandang tingnan na tumakbo silang magkapatid na si Jinggoy Estrada sa iisang partido kaya mas minabuti na lamang nito na lumipat sa NPC.

Inamin din ng senador na mahirap na magkasundo silang magkapatid na dekada ng hindi nagkakaunawaan.

Aniya, hindi lamang sa kanilang pamilya nangyayari ang hindi pagkakaroon ng pagkakaunawaan kundi maging sa ilang pamilya at maging mismo sa Bibliya ay nangyari ang pag-aaway ng magkapatid.

Para kay Ejercito mas makabubuti na kausapin muna nito ang kanyang amang si Mayor Erap at gamitin pa rin ang Estrada bilang nickname sa nalalapit na halalan para hindi masabi na itinakwil nito ang ama.

Aminado si Ejercito na malaki ang utang na loob nito kay Mayor Erap at hindi nito makakalimutan iyon. VICKY CERVALES

Comments are closed.