NAMAGITAN si Senador JV Ejercito upang maaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang muling pag-arangkada ng ride-hailing service na Angkas.
Ayon kay Ejercito, ang pilot run na inirekomenda ng Technical Working Group (TWG) na binuo ng DOTr ay kinakailangang ipatupad kaagad dahil nakasalalay sa resulta nito ang pagpasa ng Senate bill No. 2180 na kanyang inakda.
Inaprubahan noong Mayo 9 ng DOTr ang pilot run ng motorcycle taxis tulad ng Angkas sa Metro Manila at sa Metro Cebu sa loob ng anim na buwan na magsisimula sa Hunyo 8. Bago ang nasabing pag-apruba, binuo ng DOTr ang TWG upang talakayin at pag-aralan ang operasyon ng Angkas, partikular na ang safety training program na isinasagawa nito para sa kanilang motorcycle rider-partners.
“Plano ko na bigyang-prayoridad ang Senate Bill No. 2180 o ang Public Utility Motorcycles Act of 2019. Ito ang dahilan kung bakit namagitan ako upang bigyang-daan ang pag-apruba sa pilot run dahil ang anumang magiging resulta nito ay magiging batayan para sa aking inakdang batas,” dagdag pa niya.
Ang Senate Bill No. 2180 ay isang panukalang batas na magpapahintulot sa paggamit ng mga motorsiklo bilang pampublikong sasakyan.
Layunin nitong amyendahan ang Republic Act No. 4136 o and Land Transportation and Traffic Code. Kasalukuyang naka-bimbin ang nasabing panukalang batas sa Committee on Public Services.
Sa pahayag ng DOTr, sinabi nilang ang pilot run para sa motorcycle taxi operations ay magsisilbing basehan sa dalawang panu-kalang batas na isinumite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at sa Senado, kabilang na ang SB 2180 ni Ejercito.
“Naniniwala ako na ang motorcycle taxis ay malaking tulong sa ating mga pasahero sa araw-araw na kalbaryong kanilang di-naranas sa traffic sa Metro Manila at sa kawalan ng maayos na mass transport system,” ani Ejercito. “Bilang isang motorcycle rider, nauunawaan ko ang hinaing ng mga may-ari ng motorcycle na gustong gamiting legal na panghanapbuhay ang kanilang mga sasakyan,” ani Ejercito.
Labis naman ang pasasalamat ni Angkas Head of Regulatory and Public Affairs George Royeca sa suporta ni Ejercito at sa pag-apruba ng DOTr sa pilot run.
“Lubos akong nagpapasalamat at masaya rin kami sa Angkas na matapos ang kanilang masusing pag-aaral, nakita ng DOTr ang merito ng Angkas sa aspeto ng rider safety at security, na nagpapatunay sa matagal na naming sinasabi na ang prayoridad ng Angkas ay ang kaligtasan ng aming mga rider at ng mga pasahero.”
Binigyang-diin pa ni Royeca na ang pilot run ay bunga ng mahabang panahon na ginugol ng Angkas, DOTr, LTFRB, Highway Patrol Group, at ng mga masisipag na motorcycle rider clubs na nakipagtulungan sa TWG. Ito ay sa hangaring makapagbalangkas ng proseso upang ang motorcycle taxi service ay mapahintulutan at mabigyan ang publiko ng mabiis, ligtas at murang transportasyon na naaayon din sa pamantayang itinakda ng regulatory agencies.
Comments are closed.