K-POP, BTS ARMY AT GILAS

pick n roll

MULA sa musika, drama series, pagkain at pormahan, bahagi na sa kultura sa bagong henerasyon ng Pinoy ang impluwensiya ng South Koreans.

Sa kasaysayan, hindi dumaong sa dalampasigan ng Manila Bay ang Koreans para sakupin ang lahing kayumanggi. Hindi nila kinailangan ang digmaan, huh! para mapahiyaw at impluwensiyahan ang kamalayan ng kabataang Pinoy. Sapat na ang kilig mula sa sulyap ng mga matang singkit para matigagal ang mga millenial at maghapong pag-usapan at dalhin sa kanilang panaginip ang wangis ng BlackPink at tagumpay ng BTS Army. Naku po! Hindi ba’t pinagkakaguluhan sa kasalukuyan at laman ng social media ang BTS meal na inilunsad ng isang dambuhalang fast-food chain?

Nasaan na si Marimar para buhayin ang pag-asa ng kababaihang api sa pag-ibig? Maging si Dyesebel ay hindi na makakaahon sa alon ng tinaguriang ‘K-Pop Wave’.

Ang pagkahumaling ng millenials sa CLOY, kina Jennie, Liza, Rose, Jisoo, RM, Jin, Suga, J-Hope, Jimin, V at Jungkook ay siya namang ngitngit ng kanilang mga kuya, tiyong, tatay at mga tambay sa basketbolan sa mga Korean cager.

Eh, bakit nga naman hindi, pagtatalunin ba naman ang Pinoy sa sports na pinakamalapit sa puso ni Juan. Ang hidwaang Koreans-Pinoy sa hardcourt ay maituturing na klasiko at epiko na maihihirit sa antas ng hidwaan nina Lapu-Lapu at Magellan – dikdikan, kritikal, matira ang matibay.

Hindi nga ba’t noong 1968 Olympics sa Mexico City, tanging ang Filipinas at ang South Korea ang kwalipikadong bansa mula sa Asya? Mistulang ‘Sleeping Giant’ pa noon ang China. Dito naitala ng Filipinas, na pinamumunuan ni Robert ‘The Living Legend’ Jaworski, ang nag-iisang panalo sa pitong laro – at nakamit ito ng Pinoy laban (sino pa ba?) sa Koreans na pinagbibidahan noon ng maalamat ding si Shin Dong Pa (66-63). Ilang duwelo pa ang pinagdaanan ng dalawang makisig na mga mandirigma at sa tuwina ay laging talunan ang Pinoy bago naipagpag ang sumpa ng Gilas sa 2013 Asia Cup. Sa isang kisapmata, balik ang dominasyon ng Koreans bago muling naputol ng Filipinas ang sumpa.

Kaya hindi masisisi ang ilan nating kababayan na nagawang suwayin ang ipinatutupad na quarantine para sa patagong tagayan bilang pagdiriwang sa tagumpay ng Gilas Pilipinas sa South Korea sa katatapos na FIBA Asia Cup Qualifiers sa Clark.

Binubuo ng mga batang player o tinaguriang Cadet, tampok ang 7-footer na si Kai Sotto – ipinalalagay na isang material para sa NBA – winalis ng Gilas ang two-match duel sa Koreans, sa pamamagitan ng 81-78 ‘lucky shot’ ni SJ Belangel at kumbinsidong 82-77 panalo.

Ang tagumpay ay kauna-unahan ng Pinoy sa karibal mula nang maungusan ng Gilas ang Koreans sa semifinals ng 2013 Asia Cup na naging tiket para muling makalaro ang Pinoy sa World Championship matapos ang halos limang dekada.

Bukod sa talento, bilis, at tapang, kabataan ang sandata ng Gilas Cadets na sinanay ng foreign coach na si Tab Baldwin. Walang PBA players o dating professional players sa line-up, ngunit nagawa nilang magtagumpay.

Tandaan ang mga Cadet: Dwight Ramos, Kai Sotto, Angelo Kouame, SJ Belangel, RJ Abarrientos, Justine Baltazar, Isaac Go, Jordan Heading, Mike Nieto, Javi Gomez de Liano, Jaydee Tungcab, William Navarro, Geo Chiu, Lebron Lopez, at Carl Tamayo.

Ilang araw na paghahanda at tutulak ang koponan patungong Belgrade, Serbia para sa 2021 FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa Hunyo 29 kung saan makakaharap nila ang mga bigating Dominican Republic at host Serbia.

Nawa’y walang kamay ng kapangyarihan o impluwensiya ang makialam at baguhin ang line-up sa huling pagkakataon. Hindi ito malayong mangyari, higit at bukas na libro ang pagiging sanggang-dikit ng PBA sa pamunuan ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP).

Ngunit kung ang pahayag ni Baldwin ang masusunod — “The players that we have here in this bubble are the players that will go to Serbia” – mabibigyan ng katarungan ang paghihirap ng Gilas Cadets nang basagin sa isa pang pagkakataon ang sinasabing ‘Korean Curse’.



(Para sa komento at suhestiyon, magpadala ng mensahe sazea19ker@yahoo.com)

4 thoughts on “K-POP, BTS ARMY AT GILAS”

  1. 844581 971789Magnificent beat ! I would like to apprentice whilst you amend your website, how could i subscribe for a weblog website? The account helped me a appropriate deal. I had been a little bit acquainted of this your broadcast provided brilliant transparent idea 643181

  2. 379066 587339I just want to tell you that Im extremely new to weblog and honestly liked this web web site. More than likely Im planning to bookmark your weblog post . You certainly come with exceptional articles and reviews. Bless you for sharing your internet web site. 201321

Leave a Reply

Your email address will not be published.