K9 DOGS IDINEPLOY SA QC BJMP

PINAIGTING ang seguridad sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamamagitan ng paglalagay ng K9 dogs na ipinamigay ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng umaga sa Quezon City.

Katuwang ng Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD) ang QCPD District Explosive and Canine Unit and the Regional Explosive and Canine Unit NCR (RECU-NCR) sa pagdedeploy ng K9 Narcotics Detection Dogs (K9 NDD) upang masiguro ng walang makapagpapasok ng iligal na droga sa loob ng piitan.

Ayon kay QCJMD Warden JSupt Michelle Ng- Bonto, mula pa noong March 2020 ay pinaiiral na ang jail lockdown kaya naman patok ang “Paabot System” kung saan ang mga kaibigan at kamag-anak ng mga Person Deprived of Liberty PDL ay pinapayagan na magpaabot ng pagkain, gamot, at iba pang gamit tuwing Martes at Linggo mula alas-7 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon kung saan mano mano itong iniinspeksyon ng mga bantay.

Sa pagdating ng K9 dogs, mapapadali ngunit mas iigting ang pagpapa-pasok ng mga padala para sa PDL dahil matapos itong siyasatin ng mga guwardya, agad itong iikutan ng aso kasama ang kanyang handler.

Kaugnay nito, malaking tulong ang proyektong “QCPD Asong Pinoy Adoption -K9 Narcotics Detection Dogs Training Program” sa pamumuno ni QCPD District Director BGen Remus Balingasa Medina kung saan nag aampon ng mga aso upang hasain na makaamoy ng iligal ng droga na makatutulong upang masugpo ang paglaganap nito.

Sinuportahan ni BJMP-NCR Regional Director JCSupt Luisito C Muñoz ang tambalang ito ng QC BJMP at QCPD na layuning maging drug free ang mga piitan. MARIA THERESA BRIONES