INILUNSAD kahapon ng pamahalaang lungsod ng Marikina at DOH-Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ang “Ka-Heartner, Puso ang Piliin Health Fair” bilang bahagi ng Philippine Heart Month na ginanap sa Marikina Sports Center.
Binigyang-diin ni Mayor Marcelino Teodoro ang pangangailangan na magkaroon ng malusog na pamumuhay at matiyak ang pagkakarooon ng isang malusog na komunidad.
“Disease prevention ang pangunahing nating layon dito,” ani Marcy.
“At ito ay bahagi ng ating depinisyon ng resiliency na hindi lamang natin natutugunan ang mga hamon sa kalusugan; sa mga problemang nararanasan natin sa panahon ng kalamidad ngunit higit na mahalaga ang pag-iwas at pagkontrol,” aniya.
Ayon sa alkalde, kinikilala nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga open space sa paligid na malayang magagamit ng publiko para sa ehersisyo at libangan.
Ani Teodoro na lahat ng pasilidad pangkalusugan ng lungsod ay akreditado sa ilalim ng Universal Health Care system.
“May mga super health centers tayo rito kaya accessible ang mga health facilities natin at available ‘yung health services na kailangan ng mga tao. Hindi lang para gamutin sila for purposes of the diagnostic requirement ng mga taong may sakit o may nararamdaman,” diin ni Teodoro.
Kaugnay nito, hinimok ni DOH-MMCHD Regional Director Rio Magpantay ang publiko na piliin kung ano ang makakabuti sa kanilang puso.
“Puso ang piliin. Ano ba ang ibig sabihin na pisikal na puso ang piliin? Ang ibig sabihin po noon ay dapat ay aalagaan natin ang ating puso dahil sa kasalukuyan po ay halos No. 1 o No. 2 na dahilan ng mga namamatay dahil sa sakit. sa puso, dahil sa cancer, dahil sa stroke, lahat po iyan ay related din naman sa ating puso,” ani Magpantay.
Ang programang “Ka-heartner, Puso ang Piliin Ngayong Heart Month” ay nagsilbing plataporma upang itaguyod ang kalusugan ng puso ng mga lokal na senior citizen, high-risk group, at stakeholder.
Ang Philippine Heart Month ay ipinagdiriwang tuwing Pebrero, alinsunod sa Proclamation No. 1096 na inilabas noong Enero 9, 1973.
Ang deklarasyon ay naglalayong pataasin ang kamalayan ng mga Pilipino sa sakit sa puso bilang isang seryoso at lumalagong isyu sa kalusugan. ELMA MORALES