KAALAMAN, GAMITIN SA KABUTIHAN — CBCP

CBCP

NANANAWAGAN ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na gamitin  ang natutuhang kaalaman sa paaralan para sa kabutihan ng lipunan at paglilingkod sa kapwa.

Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) na mahalagang misyon ng mga kabataan ang makita ang mga kakula­ngan sa pamayanan at maging aktibo sa pagsusulong ng mga pag-unlad sa bayan gamit ang talento at karunungan.

Bukod dito, binigyang diin ni Bishop Mallari na mahalagang kilalanin ng bawat kabataan ang mga tulong na ipinagkakaloob habang naglalakbay sa pagkakamit ng tagumpay.

“Laging kilalanin ang tulong na ipinagkaloob sa atin at palaging magpapasalamat sa lahat ng bagay lalo na sa inspirasyon na ibinibigay sa atin ng Diyos, the grace of persevarance,” ayon sa Obispo.

Paliwanag ni Bishop Mallari, marami ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral bunsod ng iba’t ibang hamon, kaya’t marapat na ipag­pasalamat sa Diyos ang biyaya ng pagtitiyaga at pagsusumikap.

Aniya, ang pagtatapos ng mga mag-aaral ay konkretong patunay sa katotohanan ng kasabihang ‘those who will endure in the end will be worthy of the kingdom.’

Binigyang diin ng opisyal ng CBCP,  ang pagtatapos ay hindi lamang pagpupunyagi ng mga mag-aaral kundi maging sa lahat ng mga nagtulong-tulong upang maabot ang tagumpay.

“Isang mahalagang okasyon, there’s a celebration of achievements, hindi lamang nang mga graduates natin kundi pati na po ang mga magulang, lahat ng mga nagsakri­pisyo para sa ganun ay marating nila itong graduation ng mga anak,” ani ni Bishop Mallari.

Aniya, dapat ugaliin ng mga kabataan ang pagpapasalamat sa lahat ng bagay na nakamit lalo na sa pagkilala sa tulong ng mga taong nagpahayag ng buong suporta para maabot ang pangarap sa buhay. PAUL ROLDAN

Comments are closed.