(Ni CHEN SARIGUMBA-JUSAY)
MADALAS bang hindi maganda ang lagay ng tiyan mo?
Palagi tayong nakaririnig ng tungkol sa food poisoning dahil na rin sa klima ng ating bansa. Mainit dito kaya ang ating mga pagkain ay hindi maaaring basta na lamang iwanan sa mesa dahil paniguradong masisira kaagad ito.
Marami rin sa atin na hindi kinokontrol ang pagkain. Hangga’t may nakikitang pagkain lalo na kapag libre ay lumalamon pa rin kahit na busog na busog na.
Kung madalas mangasim ang iyong tiyan at hindi mo alam kung ano ang dahilan baka may hyperacidity ka na. Minsan nagkakamali tayo sa lagay ng ating katawan at iniisip na normal lamang na sakit ng tiyan ang ating nararamdaman.
Maraming sintomas ang hyperacidity.
Isa nga rito ay ang pangangasim ng tiyan, kinakabag o madalas paghilab at ang pakiramdam na parang nasusuka ka.
Kapag hindi nagamot ang hyperacidity ay puwede itong lumala at mauwi sa ulcer na mas komplikadong sitwasyon.
Kinakailangan kilalanin mong maigi o alamin ang takbo ng iyong katawan. Pinag-aaralan mo dapat kung ano ang mga pagkain na dapat at hindi mo dapat kainin.
Ilan sa mga sanhi ng hyperacidity ay ang pag-inom ng kape, alak at ilan pang maaasim na juice. Marami sa mga Filipino na kahit walang laman ang tiyan ay umiinom ng kape. Kapag may hyperacidity ka, dapat mo itong iwasan. Ang pag-inom ng kape o mga inuming mayaman sa caffeine ay maaaring maging sanhi ng pangangasim ng sikmura kaya mahalagang limitahan lamang ang pagkonsumo nito.
Iwasan din ang madalas na pag-inom ng alak at pag-inom ng carbonated drinks.
Masyadong acidic ang mga carbonated drink o soda kaya’t ipinagbabawal ang pag-inom nito. Gayundin ang alak.
Ilan pa sa mga pagkaing kailangang iwasan ay ang kamatis dahil mataas ang acid na taglay nito. Iwasan din ang mga matataba dahil matagal itong natutunaw sa tiyan.
Nakapagpapalala rin ng hyperacidity ang madalas na pagkain ng citrus fruits, maaanghang, pagpapagutom, gayundin ang stress.
Marami sa mga nabanggit ang mahirap talagang hindi kainin o inumin ngunit kung ang kalusugan mo naman ang nakasala-lay dapat matuto tayong huminto.
Dapat ay matuto tayong kontrolin ang ating sarili nang hindi lumala ang sitwasyon o problema.
Hindi naman ibig sabihin ng mga ito na hindi na tayo puwedeng kumain o uminom ng ganitong mga pagkain at inumin.
Ang mahalaga lamang ay hindi tayo sosobra para hindi umatake ang hyperacidity.
Madalas nating marinig na masama ang lahat kapag sobra. Ang stress ay hindi natin ‘yan maiiwasan kaya naman nasa sa atin na lang kung paano natin titimbangin ang mga problemang kinakaharap natin araw-araw.
May pagkakataon na iniisip natin na makatutulong ang tubig o maligamgam na tubig para maibsan ang nararamdaman nating sakit. Ang totoo ang tubig ay walang epekto sa hyperacidity. Mas kinakailangan mo ng antacid para ma-neutralize ang acid sa katawan.
Maaaring mauwi sa ulcer kapag madalas tayong umiinom ng maligamgam na tubig kapag inaatake ng hyperacidity.
Lahat ng pagkain ay puwede mong kainin pero huwag paabutin sa pagkakataon na magkakasakit ka na dahil sa sobra-sobrang pagkain.
Kapag inaatake ka ng hyperacidity, madalas na sasabihin sa ‘yo ng doktor ang lahat ng mga bawal at hindi mo puwedeng kainin.
Maliban sa malilimitahan ka ay mapapagastos ka pa dahil hindi naman biro ang magpatingin at magpagawa ng kung ano-anong test na hihingin sa ‘yo.
Kumain tayo kung ano lang ang kailangan at kaya ng ating katawan.
Lagi nating tatandaan na ang isa sa kayamanan natin ay ang ating kalusugan. Kapag malusog ka mas makaiipon ka at makapagtatrabaho ng maayos. (photos mula sa shubhayu.com, flickr.com)
Comments are closed.