KAALAMANG PANGWIKA, HANDOG NG KWF SA MADLA

Patuloy na maaakses ng madla ang iba’t ibang kaalamang pangwika sa pamamagitan ng infomercials at infomats na patuluyang inalalabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Tampok sa mga ito ang seryeng Wikaalaman at infomats pangwika.

Serye ng maiikling video ang Wikaalaman na naglalaman ng iba’t ibang impormasyon hinggil sa mga gawain ng KWF at ilan pang mas espesipikong gawain nito tulad ng pagbuo ng diksiyonaryo.

Lumalabas naman dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo ang infomats pangwika na nagbabahagi ng karunungang nakapaloob sa mga salita ng wikang Filipino.

May dalawang tampok na infomats: ang Salit-Salitaan at AlpabetTuklas. Itinatanghal ng Salit-Salitaan ang iba’t ibang salitang hango sa Diksiyonaryo ng Wikang Filipino habang ang AlpabeTuklas ay nagtatampok ng ingklusibong katangian ng wika at alpabetong Filipino.

Madalas na nagiging viral ang mga paskil na ito na matatagpuan sa FB page ng KWF.

Kaugnay ang mga proyektong ito sa adhika ng KWF na maipalaganap at mapaunlad pa ang wikang Filipino sa pamamagitan ng mga impormatibo at malikhaing kampanya.