KAALAMANG TURISMO PINALALIM SA LAS PINAS

Sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas at ng Department of Tourism-National Capital Region (DOT-NCR) ay ginanap ang oryentasyon ng turismo nitong Abril 29 na naglalayon na maiangat pa ang kaalaman ng mayamang kultura at kasaysasyan ng lungsod.

Ang oryentasyon ay naganap sa Excelsior Hotel sa lungsod na dinaluhan nina DOT- NCR Regional Director Sharlene Zabala-Batin at Project Development Officer Bamba Ramos, at iba pa.

Sinabi ni Las Piñas Tourism and Cultural Office (TCO) Head Paul San Miguel na ang kanyang pinanghahawakang tanggapan ang magpapatupad sa implementasyon ng programa at inisyatibo sa pagsusulong ng kultura at kasaysayan ng lungsod.

Idinagdag pa ni San Miguel na ang TCO ay binuo ni City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar upang maipresenta sa mga bibisitang lokal at banyagang turista ang mga naipamana ng kasaysayan sa lungsod.

Binanggit din ni San Miguel ang sikat na Bamboo Organ na itinayo noong 1816 na masisilayan sa St. Joseph Parish Church kung saan ang organ ay kinilala noong 2003 ng National Museum of the Philippines bilang nag-iisa at nananatiling nagagamit na 19th-century Bamboo Organ sa bansa.

Ayon pa kay San Miguel, ang pagsusulong ng kasaysayan at mayamang kultura ng lungsod ay makatutulong din sa pag-angat ng ekonomiya kung saan ang Bamboo Organ ang isa sa ehemplo na kalimitang binibisita ng mga estudyante na nagsasagawa ng paglilibot bukod pa sa mga turistang lokal at banyaga na bumibisita dito.

Sinabi naman ni Batin na ang DOT-NCR ang tumutulong sa pagsuporta at pag promote sa turismo ng lokal na pamahalaan.MARIVIC FERNANDEZ