KAALYADO PA RIN NI DUTERTE SA 2019

Magkape Muna Tayo Ulit

LUMABAS kamakailan ang pinakahuling survey ng Pulse Asia sa mga nangungunang pangalan sa listahan ng posibleng manalo sa senatorial election sa Mayo 2019. Ang una sa listahan ay si Sen. Grace Poe. Umani siya ng 70.1% sa survey na ginawa ng Pulse Asia noong Setyembre 1-7.

Pumalo rin ng mataas sa survey si Poe noong nakaraang presidential elections. Na­nguna pa nga ang pangalan niya sa umpisa bago sumabak si Duterte sa presidential race. ‘Ika nga, “the rest was history”.

Pangalawa sa listahan ay si Sen. Cynthia Villar na asawa ni dating Senate President Manny Villar.

Nakakuha si Villar ng 57.7% na approval rating. Pangatlo ay ang bumabalik sa Senado na si Rep. Pia Cayetano na may 54.4%. Si Sen. Nancy Binay naman ang ikaapat na may approval rating na 50.6% at panlima ay si Davao City Mayor at anak ng ating pangulo na si Sara “Inday” Duterte-Carpio na may 39.5%. Aba’y ang top 5 ay babae lahat! Ano kaya ang ipinapahiwatig ng taumbayan dito?

Ikaanim ay si Sen. Sonny Angara. Sumunod ay ang dating senador na si Jinggoy Estrada, Ilocos Norte Governor Imee Marcos, dating Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel, da­ting senador Lito Lapid, Serge Osmeña at si Mar Roxas. Lahat sila ay napapaloob sa 37-27% approval rating.

Mayroon ba kayong napapansin sa mga pa­ngalan na lumabas sa survey sa ‘Magic 12’ sa senatorial election? Si Mar Roxas lamang ang masasabi na tunay na miyembro ng ‘dilawan’. Ewan ko kung si dating senador Serge Osmeña ay maaaring mabilang sa mga ‘dilawan’. Subali’t sila ay nasa 11th at 12th sa kakalabas na survey. Maaari pa itong magbago. Mahaba pa ang pa­nahon at marami pa ang mangyayari sa susunod na walong buwan bago Mayo 2019. Sa mada­ling salita, tila nawawala na ang sentemiyento ng taumbayan sa tinatawag na ‘yellow fever’ na nagpatalsik kay dating pangulong Ferdinand Marcos.

Lumabas din sa isang survey na karamihan sa ating mga Filipino ay pumapabor sa kampanya ng ating pamahalaan laban sa ilegal na droga. Mataas pa rin ang approval rating kay Duterte ng mga Filipino kahit na panay ang batikos ng mga oposis­yon tulad nina Trillanes at iba pang miyembro ng Liberal Party. Isama pa natin ang mga militanteng grupo na may kinatawan sa House of Representatives.

Ang resulta ng susunod na halalan ng 2019 ay magiging sukat ng suporta ng taumbayan sa pamahalaan ni Duterte. Hindi pa natin isinasama ang magiging resulta ng mga maa­aring manalo sa House of Representatives. Kapag mayorya ng mananalo roon ay kaal­yado ni Duterte, tiyak na ang karamihan sa ating mga Filipino ay kontento sa pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon.

Maski na sa susunod na listahan mula ika-13 hanggang 24th na puwesto sa lumabas na survey, si Sen. Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino at ang kanyang pinsan na si Kris Aquino ang nasa ika-20 at 21 na puwesto. Malaki pa ang hahabulin ni Sen. Bam Aquino kung nais niyang ma-reelect sa Senado. Subalit si Kris Aquino yata ay hindi interesadong tumakbo sa politika.

Sa mga nasabing lumabas na mga panga­lan sa top 12 senatorial survey, mukhang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio lamang ang mukhang hindi lalahok sa laban para senador.

Hindi rin tayo nakasisiguro kay Mar Roxas. Maliban lang kapag pi­pilitin siya ng kanyang partido na LP na lumaban dahil siya lamang ang pumasok sa top 12.

Maliban kay Sara at  Roxas, ang lahat ay tiyak na tatakbo. Napakasikip ang laban sa Senado sa 2019. Sa mga nagbabalak nguni’t malayo ang panagalan nila sa survey, mag-isip-isip kayo nang mabuti. Baka sayang ang hirap, pagod at pera ninyo.

Comments are closed.