KAANAK MINASAKER NG KAPAMILYANG MAY SAYAD

masaker

MINASAKER ng isang 35-anyos na hinihina­lang may sayad ang apat na kapamilya kasama ang kapatid ng suspek sa bayan ng Cantilan sa lalawigan ng Surigao del Sur.

Sa ulat ng Surigao Provincial Police Office, pinagtataga ng suspek na kinilalang si Alex Roales ang tatlong kaanak at idinamay na rin ang kapatid nito na nabungaran sa loob ng kanilang bahay.

Pawang wala ng buhay nang abutan ng mga rumesponde ang mga duguang biktima sa loob ng kanilang bahay sa Purok 1, Sitio Gapas-Gapas, Barangay San Pedro ng nabangit na bayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Rogelio Ravelo, Jr., 35-anyos, ang misis nitong OFW at kapatid ng suspek na si Alfonsita, 39-anyos, at kanilang mga anak na sina Rogelio, Jr., 9-anyos, at CJ 3-anyos.

Agad naman dinakip ng awtoridad ang suspek at hindi na nito nagawang manlaban.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nabigla ang mga biktima kaya hindi nakaiwas sa kanilang kamatayan nang biglang sumpungin ang suspek na umano’y dumaranas ng matinding depresyon at bigla na lamang silang pinagtataga. VERLIN RUIZ