NAKATAKDANG maghain ang Public Attorney’s Office (PAO) kasama ang mga nagrereklamong kaanak, ng motion for reconsideration sa Regional Trial Court ng Maynila kaugnay ng malagim na trahedyang kinasangkutan ng Sulpicio Lines 13 taon na ang nakalilipas.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni PAO Chief Atty. Persida Acosta na ginawa ang naturang hakbang makaraang idismis ng Manila RTC ang kaso ng mga dawit kabilang si Edgar Go.
Kasama pa ring pinananagot ng prosecution sina Capt. Florencio Marimon Sr., Edgar Go at iba pa bunsod ng paniwalang may matibay na ebidensiyang magpapatunay na may kapabayaang nagawa ang mga akusado.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Physical Injuries and Damage to Properties ang mga idinadawit sa kaso.
Kasunod nito, nagpahayag din ng pagkadismaya si Acosta sa naunang pagkakadismiss ng kanilang kaso, gayong nag- uumapaw aniya ang mga ebidensyang magpapatunay na si Go ang nagmando sa paglayag ng M/V Princess of the Stars at inamin nito mismo sa publiko noong nagkaroon ng clarificatory hearing ang korte.
Sa kabila nito, hindi pa rin nauubusan ng pag-asa ang mga kamag-anak ng biktima ng trahedya na makakamit ang inaasam na hustisya.
Siniguro rin ni Acosta na hindi sila titigil na ilaban maging ang civil case hangga’t hindi natatamo ang katarungan sa mga biktima sa kabila ng nakamatayan na ng ilang nagrereklamo ang nabanggit na kaso.
Nabatid na may 71 kaso na ang naihain sa Manila RTC Branch 52 habang 63 kaso naman ang nasa Cebu RTC Branch 16 kung saan may naipanalo na rin ang mga biktima at pinagbabayad ng korte ng danyos ang mga may ari ng Sulpicio Lines Inc. na nagkakahalaga ng aabot sa mahigit P140 milyon.
BENJIE GOMEZ