KUWAIT – HUMIHINGI ng tulong ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) na dinakip sa bansang ito matapos akusahan ng pagnanakaw ng kanyang employer.
Ayon kay Carmen Bermejo, nabahala sila nang ipinaalam ng kanilang kaanak na inaresto ng mga pulis ang kaniyang anak na si Juvy Bermejo, 30-anyos, dahil sa pagnanakaw ng mga alahas sa kaniyang among babae.
Naniniwala si Carmen na hindi magagawa ng kaniyang anak na magnakaw at posibleng pinlano ng kaniyang employer na babae ang pag-aresto dito.
Inihayag ng ginang na posibleng nagseselos ang among babae ni Juvy dahil sa magandang relasyon ng kaniyang anak sa amo nitong lalaki.
Bago pa naaresto ang anak ay tumawag ito sa kaniyang pamilya at nagsumbong na sinaktan siya ng kaniyang among babae.
Nabatid na halos magdadalawang taon nang nagtatrabaho sa nasabing bansa si Juvy at nakatakda na sana itong umuwi ngunit ipina-extend ng amo ang kaniyang kontrata.
May dalawang anak na babae ang nasabing OFW na kapuwa mga menor. EUNICE C. /PILIPINO Mirror
Comments are closed.