KAAWA-AWANG PILIPINAS!

UULIT-ULITIN ko dear readers, napakarami nating batas kontra illegal mining, pero dios por santo, bakit nagpapatuloy ito, at paano at bakit nangyayari ito?

Well, mga masugid nating tagasubaybay, alam n’yo na marahil ang sagot: korapsyon.

Sa buong mundo, ang Pilipinas ay ikatlo sa may pinakamalaking deposito ng ginto; napakayaman natin sa tanso, nickel, chromite, marmol at iba pang mineral ang makukuha sa ilalim ng lupa at katubigan.

Noong taong 2023 ay ibinalita na ‘yang Malampaya na mina ng natural gas sa Palawan ay malapit nang maubos mula nang i-operate ito noong 2002 na sa report, $12 billion na ang kinita ng mga nakaraang gobyerno na kung nagamit nang husto at hindi naibulsa, hindi tayo magdaranas ng hirap lalo na noong panahon ng pandemya.

At marami pang mineral at non-metallic minerals ang hindi na namimina, na sa estima, kung mamimina, ito ay aabot sa mahigit na 2.4 bilyong tonelada.

Kaya, maraming dayuhang kompanya ang gigil na gigil na makakuha ng mining contract sa atin, dahil paldo-paldong dolyar ang maiuuwi sa kanilang bansa sa makukuhang ginto, pilak, at iba pang mineral.

Again, marami tayong batas kontra illegal mining, bakit nga paulit-ulit itong nangyayari, ang sagot: korapsyon.

o0o

Pangunahing trabaho at mandato ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay “conservation, management, development, and proper use of the country’s environment and natural resources.”

Bukod dito, tungkulin din ng DENR ay gawin ang lahat upang maibalik, mapangalagaan at mapalitan – kung magagawa – ang mga nawala o nahukay na mina.

Trabaho naman ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na pamahalaan, maglabas ng mga utos at regulasyon sa mandato ng DENR, at katuwang nito ang Department of Energy (DOE) na pangasiwaan, gumawa ng mga regulasyon, proyekto at iba pang aktibidad sa pagmimina ng langis, natural gas at iba pang mapagkukunan ng enerhiya, kasama ang responsibilidad sa pagpapalago, at distribusyon at conservation ng mga enerhiya.

Lahat ng tungkulin at pananagutang ito ng DENR at DOE ay nakatuon kung paano makikinabang, mapangangalagaan ang buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

Nagagawa ba ng DENR at DOE ang mandato nila, tiyak ang sagot, “Hindi.”

o0o

Black sand. Lupa. Mga bato, marmol, kahoy, halaman. Wild floral and wild animals.
Ilegal na “minimina” ito na hindi napigil ng nakaraang administrasyon at kung di kikilos ang gobyerno ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., magpapatuloy ito, at maiiwan tayong nakanganga, pulubi at kaawa-awa.

Hindi lang isyu ng soberenya ang agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea (o South China Sea): ito ay ang bilyon-bilyong cubic na bariles ng depositong langis, natural gas at iba pang mineral.

Sabi ng United States (US) Energy Information Administration (EIA) mahigit sa 100 bilyong cubic feet ng natural gas ang mamimina sa mga isla ng Spratlys.

Take note dear readers, maliwanag, mga depositong mineral, langis at natural gas at iba pang mineral ang totoong dahilan ng agawan sa WPS, hindi lang ang ipinagsisigawang “sovereignty” at “exclusive economic zones.”

Hindi lang sa Spratlys mayaman sa mina: sa Sulu Sea, sa Cotabato, natuklasang may mina rito ng petrolyo na tinataya na may 203 milyong bariles ng katumbas na langis.

Natuklasan noon pa, may 29 bilyong cubic feet na natural gas sa Cotabato Basin, sa Sulu at iba pang lugar sa Mindanao, at may natuklasan din mga deposito ng natural gas sa Visayas, Bicol at sa Northern Luzon.

o0o

Anyare na ba sa illegal mining ng black sand sa San Marcelino at Botolan, Zambales, may kinasuhan na ba ang DENR?

Ginagamit ang black sand sa pag-extract ng ginto, iba pang mineral, bukod sa ginagamit ito na sangkap sa paggawa ng steel, sabi sa pag-aaral.

Ang kumalat na balita, nagamit ang black sand at iba pang uri ng buhangin sa pagkatayo ng military at naval bases ng China sa Spratlys, at hindi na sekreto kung sino ang nagkamal ng milyong-milyong dolyar sa illegal mining na ito.

Nakabibingi ang katahimikan ng DENR at ng gobyerno sa panahong ilegal na minimina ang ating mineral sa dagat ng Zambales,

Hindi lang mayamang korales, isda ang ilegal na kinamkam ng Chinese militia, kungdi ang ating black sand at wala ni isa tayong nabalitaang inusig, kinasuhan, naparusahan at naipakulong.

Kungdi alam ng gobyerno, isa sa ilegal na minimina ay ang ating buhanging hinahango sa mga ilog, dagat at mababatong lupa.

Ang Dubai, Saudi Arabia at iba pang bansa sa Middle East at ang China ang namimili ng mineral na ito.

Itatanong, maraming buhangin sa Saudi, totoo, pero hindi angkop na gamitin ang buhanging disyerto sa mga konstruksiyong magpapatibay sa gusali, tulay, bahay, at iba pang kailangang sangkapan ng bakal at semento.

Sobrang pino ang buhangin sa disyerto ng Dubai at Saudi at iba pang bansa sa Middle East at ang kailangan ay buhanging magaspang, matitigas na nadurog na batong buhay, black sand at iba pang mineral na napakayaman sa ating bansa.

Inaangkat, ilegal na minimina ang ating mga bundok, mga buhangin, mga bato, kahoy, at iba pang mineral na ipinantatayo ng mararangyang gusali sa ibang bansa.

Tingnan ang nagtatayugang konstruksiyon sa Dubai, Saudi at iba pang bansa at maitatanong, sa atin ba nanggaling ang mga sangkap at materyal na ginamit sa pagkatayo ng matatayog at magagandang gusali na ating hinahangaan ngayon sa Middle East?

Ang Singapore ay isang island state na walang kayamanang mineral, ginto, tanso at iba pang tulad ng sa atin, pero bakit mas maunlad sila kumpara sa Pilipinas.

Hindi lang sa Zambales kungdi sa maraming lalawigan sa atin ang ilegal na minimina ang kabundukan, karagatan at kakahuyan.

Pagkaubos ng mga mineral na ito, pagkasira, pagkalason ng ating kapaligiran ang kapalit nito: mga lason at toksikong kemikal ang iniiwan ng mga mining company at ibinubuhos sa mga ilog patungo sa dagat na pumapatay sa ating mayamang pangisdaan.

Sa pagkaubos ng kahoy, mga bato sa bundok, sa konting yanig, kamatayan sa maraming Pilipino ang naidulot sa pagguho ng lupa, sa matinding pagbulwak ng tubig ulan mula sa itaas na dala ay ragasa ng baha, libo-libong buhay ang nawala.

Tandaan ang kamatayang baha sa Tacloban at iba pang trahedya sa bansa.

Gawa ito ng ilegal na pagmimina ng ating likas na yaman.

Nangyayari ito dahil sa pabaya o kaya ay kasabwat ang mga opisyal ng bayan sa ilegal na pagmimina – na sa direktang salita ay pandarambong, paggahasa sa birheng kalikasan ng ating bansa.

Tayo, hindi ang dayuhan, taga-ibang bansa ang unang dapat na makinabang sa ating napakayamang minahan.

Para nga tayong pulubi na nakaupo sa bundok ng ginto.

Kungdi ito kataksilan, ano ang maitatawag dito – katrayduran ito na magaang na parusa ay bitay.

Pero ang mga “kriminal” ay malaya, nagkakamal ng bilyon-bilyong salapi, pinararangalan pa at naihahalal nang paulit-ulit sa matataas na tungkulin sa bayan.

Kaawa-awang Pili­pi­nas!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]