BILANG pagbibigay-diin sa kahalagahan ng involvement, diversity, at access ng kababaihan sa mundo ng science, technology, engineering, at mathematics (STEM), kumalap ang Department of Education (DepEd) ng may 500 babaing mag-aaral at guro upang ipagdiwang ang 2024 International Day of Women and Girls in Science kamakailan.
Sa pangunguna ng External Partnerships Office-International Cooperation Office (EPS-ICO), binigyang diin ng nasabing aktibidad ang pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki sa larangan ng science and technology, at environmental conservation. Binigyang halaga ng nasabing event ang mga student exhibitors na nagpakita ng kanilang mga projects at imbensyon na nanalo ng mga awards sa kani-kanilang mga iskwelahan.
“Magkakasama naming itataas ang kahalagahan ng gender equality at gagawa kami ng kinabukasang kung saan bawat babae – bawat kababaihan, ay kayang abutin ang langit upang ipakilala ang kanilang scientific potential,” ani DepEd NCR Regional Director Jocelyn D.R Andaya.
Binigyang pansin ni RD Andaya ang pagtaas ng babaing enrollees sa STEM programs ng DepEd. Sa SDO Manila pa lamang, 51% na ang babaing enrollees sa STEM program, na nangangahulugang lumiliit na ang gender gaps sa science and technology.
Dagdag pa rito, binigyang diin din ng programa ang pagpupunyagi ng mga DepEd partners upang masigurong ang mga kababaihan ay nabibigyan ng importansya, pagkakataon at platforms sa mundong dating mga lalaki lamang ang katanggap-tanggap.
Agbigay na ng presentasyon ang mga executives ng mga partner organizations at mga ahensyaa tulad ng Gokongwei Brothers Foundation, Inc., FELTA Multimedia Inc., Philippine Educational Theater Association (PETA), UNILAB Foundation Inc., Department of Science and Technology (DOST), STI Education, at Empower Ability upang ipaalam kug paaanong ang kanilang organisayon at mga ahensya ay makatutulong bilang springboard para sa mga kababaihang nagnanais magpatuloy ng kanilang edukasyon at career sa STEM.
Pagkatapos ng bawat presentasyon, ang mga mag-aaral ay bibigyan ng pagkakataong magtanong sa mga guest panelist.
Inimbitahan din ang mga miyembrong mag-aaral at guro para sa Youth for Environment in Schools (YES-O)sa kanilang paglilibot sa onsite eco-tour na pinangunahan ng SM Supermalls.
Sa nasabing tour, sinamahan ang 35 participants sa loob ng SM North EDSA sa kanilang pasilidad sa solid waste management, water conservation, energy efficiency, at air quality programs. Layon ng eco-tour na mahikayat ang mga YES-O officials at mga miyembro na makibahagi sa responsibilidad at pangangalaga sa kalikasan. NLVN