KABABALAGHAN O KATHANG ISIP LAMANG?

Tayong mga Pinoy, napakarami nating pinaniniwalaang iba’t ibang klaseng pwersa ng kadilimang gumagala na hindi natin nakikita ngunit kung minsan ay nararamdaman. May mangkukulam, Lambana, Sigben, Berbalang, Kapre, Tikbalang at kung anu-ano pa. Yan ay sa kabila ng katotohanan nasasakop na tayo ng makabagong teknolohiya.

Ngunit may panangga tayo dyan, aswang man sila o Iki (asawang na lumilipad), o kahit sa sumpa pa ng mangkukulam at lahat ng pwersa ng kadiliman. Ang anting-anting. Mayroon ding makatutulong sa atin — ang ‘manggagamot (spirit healer).

Ang anting-anting ay prevention para hindi talaban ng sumpa. Marami nito sa Quiapo. Mabibili sa halagang P100, na  dalasan ay gawa sa metal. Mayroon itong special gem o bato o kaya naman ay bahagi ng halaman o hayop. Yung iba naman ay bala ng baril.

Noong bata pa ako, nakita ko sa mga baby pictures ko (na wala na ngayon dahil tinangay ni Ondoy at Habagat nang bumaha) na may nakakabit sa damit kong pulang tela. Buto raw ng calumbibet ang laman nito, isang uri ng halaman. Huwag nyong itanong sa akin kung ano ito dahil hindi ko rin alam. Itatanong ko sa Mommy ko, don’t worry. Basta ikinakabit ito sa bata para hindi raw mag-away. Ang manggagaway po ay isang uri ng mangkukulam. Yung may evil eye. Pag natitigan ka nito, magkakasakit ka. Ang calumbibet daw na inilagay sa red pouch ay pantaboy ng manggagaway. In other words, isa itong uri ng anting-anting.

Sakaling walang anting-anting, may ‘manggagamot’ naman. Sila ang gumagawa ng ritwal para Amalia ang sumpa. Parang shaman noong unang panahon.

May konting duda ako dito dahil ako mismo ay hindi nakaranas ng evil eye o anumang may kina­laman sa sumpa, kulam o katulad nito. Yet, naniniwala akong kung totoo ngang may sumpa, hindi ba dapat ay harapin ng isinumpa ang sumumpa para alamin kung ano ang dahilan ng lahat? Baka kaya siya isinumpa ay dahil may nagawa rin siyang mali. Humingi ng tawad kung kinakailangan.

At ang mas pinaniniwalaan ko talaga, totoo man o hindi ang sumpa, basta matatag ang pananalig mo sa Diyos, walang anumang kapangyarihan ng kadilimang makakapanakit sa’yo (sabi ng  Mommy ko at Sabi ko rin). Sabi nga sa 23rd Psalm: “Though I walk through the valley in the shadow of death, I shall fear no evil for Thou art with me.” — JAYZL NEBRE

Nagkataon lamang?

Ito ay pangyayaring totoong naganap sa aking buhay.

Ewan ko kung naniniwala kayo sa ‘manggagamot’ (spirit healer o faith healer).

Nagsunud-sunod ang kamalasan sa aking pamilya noong taong 2021, 2022 at 2023. Namatay ang tatlo kung kapatid sa sunud-sunod na taon, at panghuling namatay ay nanay ko. Salamat at parang nahinto na ito sa wakas kaya kahit paano ay nakapag-celebrate kami ng Pasko at Bagong Taong may konting ngiti sa labi.

Bago namatay ang Mommy ko,  kumuha ako ng ‘manggagamot,’ sa payo ng ilang matatanda. Wala namang nawawala kaya sumunod ako. Personally, hindi ako naniniwala sa ‘manggagamot’ ngunit sumunod pa rin ako.

Sinabi niya — ng ‘manggagamot’, na may taong nagsumpa sa pamilya namin kaya sunud-sunod na namatay ang apat na mi­yembro.

Nagsagawa siya ng ritwal. Ilang ulit pumunta ng dagat ang ‘manggagamot’ para mag-alay, upang mahinto na umano ang sumpa. Bumisita pa sya sa pitong simbahan sa Metro Manila bilang bahagi ng ritwal na ginawa nya.

Laking pasasalamat naming natapos ang 2024 na wala nang muli pang namatay sa aking pamilya. Wala ring major problem na nakakasira ng self-confidence. At siguro, salamat sa ‘mangagamot’ na tumulong sa amin.

Ngunit may malungkot na balitang umabot sa aming kaalaman. Ang ‘manggagamot’ mismo ay namatay.  Siya kaya ang sumalo ng sumpa sa aking pamilya?  Toto Causing

Oracion contra sumpa

“Udu mar rigicandi sum (+) Jesus, Jesus (+) bualdul pendedo (+) Jesus egosum (+) Tadeum magnum, Deo phu phu”

Ito po ang bendisyon para sa taong isinumpa. Babasahin iyo ng tatlong ulit kung saan mag-aantanda ng Santa Cruz (+) kung saan may naka-indicate. Sabihin ding “Binibendisyunan ka (buong pangalan ng taong Binibendisyunan) sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Muling ibulong ang orasyon ng tatlong ulit, at hipan ang ulo ng isinumpa. (phu phu phu). — JAYZL NEBRE