ANG Department of Energy (DOE) ay may mandato na dapat ay mabigyan ng koryente ang buong lugar ng Filipinas. Nakapokus ang DOE sa kanayunan o rural areas kung saan may mga lugar pa na hindi nabibiyayaan ng koryente.
Tumugon ang Meralco sa tawag ng DOE sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang microgrid facility sa isla ng Cagbalete sa Quezon. Sakop ng prangkisa ng Meralco ang nasabing isla. Ang nasabing microgrid facility ay isang small-scale power grid na maaring paandarin nang sarili at hindi kailangan na nakakonekta ito sa main power line ng Meralco.
Ang nasabing pasilidad ay isang hybrid generating plant na may 60-kilowattpeak (kWp) solar photovoltaic system, 150-kilowatt hour (kWh) battery energy storage at dalawang unit ng 30-kilowatt (kW) diesel generators. Kaya naman talagang nakadisenyo ang nasabing planta para sa isla ng Cagbalete. Ito na ang pangalawang proyekto na inilawan ang isang isla na sakop ng prangkisa ng Meralco. Ang nauna ay ang Isla Verde sa Batangas.
Magandang balita ang pagbubukas ng planta sa Cagbalete dahil makararanas ang mga nakatira roon ng walang hintong suplay ng koryente. ‘Ika nga ay 24-7 ang suplay ng koryente roon. Ang unang makikinabang ay mahigit na 200 na pamilya. Bago matapos ang taon, makikinabang pa ang mahigit na 600 na pamilya na nakatira sa dalawang barangay ng Cagbalete kasama na ang mga commercial establishment. Ito ang pangako ng president at CEO ng Meralco na si Atty. Ray Espinosa.
Sa aking pagkakaalam, ang Meralco ang may pinakamalaking kontribusyon sa lahat ng mga distribution utilities (DU) at electric cooperative sa plano ng DOE ng magkaroon ng 100% pagpapailaw ng mga kabahayan sa buong bansa. Malinaw ang ehemplo nito sa pagpapailaw ng Isla Verde sa Batangas at Cagbalete Island sa Quezon na sakop ng prangkisa ng Meralco.
Pinuri rin ang nasabing proyekto ng Meralco ni ERC Chairperson Agnes Devanadera. Dahil lumalabas na hindi gaanong kikita ang Meralco sa pagtatayo ng nasabing microgrid facility sa mga nasabing isla. Malaki kasi ang puhunan na kanilang inilabas sa pagtatayo nito subali’t maliit lamang ang merkado na gagamit at magbabayad ng koryente sa Meralco.
Comments are closed.