Kabalikat sa kabuhayan, kabalikat sa pang araw-araw

Taong 2007 ng itatag ng SM group, sa pamamagitan ng SM Foundation ang programang Kabalikat sa Kabuhayan. Nagmula ito sa simpleng pangarap ni Henry Sy, Sr na paunlarin ang ating mga Pilipino sa tulong ng agrikultura at siguradong may sapat na pagkain ang bawat komunidad.

Mahigit 16 taon na ang nakalipas mula noon, ngunit patuloy ang SM Foundation sa pagbibigay ng dagdag kaalaman sa pagsasaka at pagnenegosyo. Nito lamang, umabot na sa higit kumulang 28,550 benepisyaryo ang nakapagtapos sa nasabing programa. Isa na rito si Renato Fojas.

Pagtatanim para sa pamilya, komunidad
Lumaki si Renato sa payak na pamumuhay. Marangal nyang itinaguyod ang kanyang pamilya sa pamamasukan bilang karpentero.

“Mahilig akong magtanim simula pa noong bata pa ako. Pero, nagtrabaho ako bilang karpintero.

Dahil kontrata lang ito, hindi laging sigurado ang kita,” bungad niya.

Ang hilig sa pagtatanim ang nag udyok sa kanya para sumali sa KSK-SAP noong 2010. Dito, natutunan umano ni Renato ang iba’t ibang paraan ng pagtatanim ng prutas at gulay. Dagdag pa niya, nakakuha rin siya ng kaalaman tungkol sa akmang pananim sa iba’t ibang uri ng lupa.

Dahil dito, nakapagpayabong siya ng isang vegetable garden sa likod ng kanyang bahay. Ito ay naging sandalan nila, lalo na noong panahon ng pandemya.

“Malaking tulong na natuto akong magtanim dahil sa KSK-SAP,” aniya. Dumating man ang panahon na hindi ka na nagbebenta, mayroon kang pansariling pananim na puwede mong kainin.

Hanggat nagtatanim ka, mayroon mayroon kang makakain.”

“Noong lockdown dahil sa pandemic, mayroon kaming naaasahan na pagkain–may tanim akong upo, okra, talong. Naibebenta ko siya sa napaka murang halaga pero minsan ay binigay ko na lang sa mga kapitbahay,” dagdag pa nito.

Munti man ang kanyang kontribusyon sa komunidad, nakatataba naman anya ito ng kanyang puso sapagkat naibabahagi niya sa kapwa ang bunga ng libreng kaalaman na nakalap niya mula sa KSK-SAP.

“Masarap talaga sa pakiramdam tuwing nagtatanim ka. Higit sa masarap sa mata ang berdeng pananim at tila nakakapag-exercise ka tuwing nagtatanim, masustansya pa ang kakainin mo,” sabi niya. “Mas naka-alwa sa pakiramdam lalo na tuwing ang iyong pananim ay makakatulong sa iba,” sabi niya.

Ngayong taon, patuloy ang KSK-SAP sa pagbibigay ng libreng farmer’s training sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaagapay ng SM Foundation sa programang ito ang SM Market, SM Supermalls, TESDA, DA, DSWD, DOST, DTI, at partner farm schools.