PINAYUHAN ng isang retiradong Obispo ang publiko partikular na ang mga kabataan na maging maingat sa pakikilahok sa anumang laro at pagsubok na walang katiyakan ang layunin at hangganan, gaya na lamang nang nauusong ‘Momo Challenge.’
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., ang anumang bagay o gawain na nagdadala sa sinuman sa pananakit sa sarili o pananakit sa kapwa ay hindi nagmula sa Diyos kundi gawain ng demonyo.
Kaya’t payo ni Bacani sa mga kabataan na suriin kung ang pakikilahok sa anumang laro, samahan o grupo ay makabubuti hindi lamang sa kapa-kanan ng pangangatawan, kalusugan at puso ng bawa’t indibidwal kundi maging sa mismong kaluluwa.
“Ang anumang nagmumungkahi o sinumang nagmumungkahi sa inyo na saktan ang inyong sarili o lalong lalo na kitilin ang inyong sariling buhay, makasisigurado kayo hindi ‘yan galing sa Diyos at malamang 100-percent galing sa demonyo ‘yan, kaya mag-iingat kayo at huwag kayong papasok basta-basta sa anumang laro, titingnan muna ninyo kung ang larong ‘yan ay makabubuti sa inyong pangangatawan, sa inyong kalusugan, sa inyong kalu-luwa at sa inyong puso, kung nakikita ninyo na dinadala kayo sa anumang nakakasakit para sa inyong sarili o pananakit sa ibang tao ‘yan hindi galing sa Diyos, galing sa demonyo yan…” anang Obispo sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Binigyang-diin pa ni Bacani na ang makabagong teknolohiya ay dapat na gamitin para sa ikabubuti ng mamamayan at hindi para sa ikasasama ng si-numan.
“’Yung anuman pong modern technology alam niyo naman, ‘yan ay mga bagay na puwede natin at dapat nating gamitin para sa ikabubuti ng katawan at kaluluwa ng ating mga kababayan kaya gamitin po natin sa mabuting paraan at huwag kayong pagagamit o huwag ninyong gamitin ang anumang mga technology para sa ikasasama ng sinuman sapagkat ‘yan ay nilalang ng Diyos para sa kabutihan nating mga tao…” pahayag pa ni Bacani. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.