BULACAN – SINUYOD na ng Bulacan PNP at local goverment units ang mga kolorum na pagawaan ng paputok at fireworks design sa lalawigan partikular sa bayan ng Bocaue na tinaguriang firecrackers capital ng Filipinas bunga ng impormasyon na may mga negosyante ng paputok ang gumagamit ng menor na manggagawa habang nasa kasagsagan na ang pagmamanupaktura ng paputok upang makatipid sa labor expenses.
Sa impormasyong nakalap ng PM, kumikilos na ang kapulisan at Firearms and Explosive Division(FED) ng Bulacan-PNP para matukoy ang mga small scale manufacturers na kolorum ang operasyon dahil taon-taon ay mga batang manggagawa ang kanilang trabahador sa paggawa ng paputok at pailaw at nalalagay sa peligro ang buhay.
Nakumpirmang nasa kasagsagan na ang paggawa ng paputok ngayon sa munisipalidad ng Bocaue, Baliwag, at Sta.Maria at maging sa bayan ng San Rafael at ito ang mga lisensiyadong pagawaan ng paputok at ang kanilang mga bodega at pagawaan ng paputok ay malayo ang distansya sa mga kabahayan alinsunod sa Firecarackers Law at ang sinusubaybayan ngayon ng awtoridad ay ang mga kolorum na pagawaan.
Ang bilyon pisong industriya ng paputok at pailaw ang isa sa limang pinakamalaking industriya sa Bulacan na pinagkakakitaan ng malaking bilang ng mga Bulakenyo kaya tinitiyak ng mga lehitimo at lisensiyadong firecrackers na nakasusunod sila sa RA 7183 at sinisiguro nilang primera klase ang mga mabibiling paputok sa Bulacan kapag sa mga lisensiyadong manufacturers sila bibili.
Pinuri naman ni Cong. Jose Antonio Sy. Alvarado (1st District, Bulacan) ang kampanya ng awtoridad sa child labor, para maisalba ang mga menor de edad na manggagawa sa panganib sakaling magkaroon ng explosion at hinimok nito ang mga Bulakenyo na kung maiiwasan ay torotot na lamang ang bilhin sa kanilang mga anak para maiwasan ang disgrasya sa nalalapit na pagpasok ng taong 2020. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.