PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita sa ika-160 kaarawan ni Gat. Apolinario Mabini, “Dakilang Paralitiko ” na ginanap kahapon sa Tanauan, Batangas.
Sa kanyang talumpati, kanyang dinakila at kinilala ang makabayaning sarkipisyo ni Mabini para sa Pilipinas.
“Kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng ika-sandaan at animnapung anibersaryo ng kapanganakan ng ating minamahal na bayaning si Apolinario Mabini,” bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.
“Sa araw na ito, inaalala at [pinararangalan] natin [siya bilang] “Ang Dakilang Paralitiko” na nag-alay ng kaniyang makabuluhang buhay para sa ating bayan,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.
Kinilala rin ng Pangulo ang nag-aalab na damdamin at espiritu ni Mabini na kahit isang lumpo ay ginamit ang kanyang talino para labanan ang hindi makatuwiran, pang-aabuso at paninikil ng mga Kastila noong panahon nila kaya naman nakilala bilang “Utak ng Himagsikan.”
“Gayunpaman, sa kabila ng kapansanang ito, hindi [nito] naparalisa ang kaniyang nag-aalab na puso at matatag na diwa. Ang kalagayan niya ang siyang nagbigay-lakas sa kaniya na gamitin ang talas ng kaniyang isip bilang sandata laban sa kawalang-katarungan, pang-aabuso, at pang-aapi sa mga kapwa Pilipino,” sabi pa ng Pangulo.
Hinimok din ng Pangulo, lalo na ang kabataan na gayahin ang buhay, sakripisyo at katalinuhan ni Mabili na gawing inspirasyon at halimbawa para makamit ang pangarap.
“Tinatawagan ko ang mga kabataang Pilipino ngayon na gawing inspirasyon at halimbawa ang buhay ni Apolinario Mabini upang magpunyagi sa buhay,” diin pa ng Punong Ehektubo.
Nanawagan din sa publiko ang Pangulo na magtulungan upang matiyak na ang [mga] mithiin ni Apolinario Mabini [ay] magpapatuloy sa Bagong Pilipinas—kung saan ang mga mamamayan ay may pagkakataong maging produktibong kasapi ng isang mas makatao at nagkakaisang lipunan. EVELYN QUIROZ