ANG kabataan ang patuloy na magpapalakas sa takbo ng ekonomiya ng bansa at magiging daan upang mas umunlad ang Filipinas sa mga darating na panahon.
Ito ay ayon kay Senador Sonny Angara ay magkakaroon lamang ng katuparan kung ang lahat ng kabataan ay may sapat na edukasyon at kaalaman.
Sa datos ng United Nations Development Programme (UNDP) noong 2018, sa kabuuang 700 million youth sa Asya, lumalabas na isa ang Filipinas sa may pinakamataas na bilang ng mga kabataan sa Asia Pacific Region kung saan, 30 porsyento ay may edad 15 pababa. Ang median age sa Filipinas ay 26-anyos.
“Kung pagbabatayan natin ang bilang ng ating mga kabataan, masasabi nating malakas ang puwersa nila para maisulong ang kaunlaran ng Filipinas sa mga darating na panahon,” ani Angara, unang naluklok bilang congressman noong 2004 sa gulang na 32 at nahalal na senador noong 2013.
“At kung lahat sila ay pawang nakapag-aral, tiyak na malaki ang maitutulong nila upang maiahon ang bansa mula sa kahirapan,” dagdag pa ni Angara.
Hinihimok ng senador ang lahat ng kabataang mag-aaral na pagtuunan ng pansin ang edukasyon at pagsikapang makatapos sapagkat ito ang natatanging paraan upang maiangat ang kani-kanilang sarili at maging matagumpay.
Ang ilan sa mga naisabatas na panukala ni Angara para sa edukasyon ay ang Free Kindergarten at Free College Tuition kung saan isa siya sa mga awtor. Ang kanyang namayapang ama naman na si dating Senate President Edgardo Angara ang pangunahing awtor ng Free High School Act na nagkaloob ng libreng edukasyon sa sekondarya.
Sa ilalim ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o mas kilala bilang Free College Tuition, nagkakaloob ito ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa 112 state universities and colleges (SUCs), 78 LUCs at sa lahat ng tech-voc schools na pinangangasiwaan ng gobyerno. VICKY CERVALES
Comments are closed.