MAHIGIT 65,000 katao ang nagtungo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan nitong ika-5 ng Enero sa pagsisimula ng bagong dekada para sa muling paglulunsad ng “Kabayan Ko, Kapatid Ko”, isang humanitarian activity ng Iglesia Ni Cristo (INC) na layuning makapaghatid ng ayuda at tulong sa iba’t ibang mga lokal na komunidad.
“Muli naming inilunsad ang Kabayan Ko, Kapatid Ko (KKKK) sa ilalim ng pangangasiwa at inisyatibo ni Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo para sa mas malawak na pagbibigay ng serbisyo, isang direksiyon na amin nang ginagawa sa mga nakalipas na taon,” ayon kay Glicerio B. Santos Jr., General Auditor ng INC.
Nabanggit ni Santos na ang kaganapan sa Philippine Arena noong weekend ay dinagsa ng mga kaanib at panauhin mula sa iba’t ibang distrito – anim mula sa Metro Manila, tatlo mula sa Bulacan, at tatlo rin mula sa Pampanga.
Ang INC ay sabay-sabay ring nagsagawa ng Kabayan events sa mahigit 500 mga lugar sa 156 na bansang sumasaklaw sa anim na kontinente sa araw ring iyon.
Ayon kay Santos, kabuuang 170 INC districts ang nakibahagi sa KKKK activities na isinakatuparan sa buong mundo.
“Habang pinangungunahan ng INC districts ang naturang mga kaganapan, tayo ay nagbigay rin ng pantay na pagtingin at atensiyon sa kapwa miyembro at hindi miyembro ng INC dahil bawat isa ay nararapat na makatanggap ng ayuda at tulong pangkabuhayan, lalo na sa simula ng bagong taon,” paliwanag ni Santos.
Ang Kabayan Ko, Kapatid Ko event ay namahagi ng “goody bags” na naglalaman ng limang kilong bigas, canned goods at kape. Ang mga kalahok ay binigyan ng pagkain, malamig na inumin at may tampok ding mga palabas.
“Matagumpay rin kaming nagsagawa ng “My Countrymen, My Brethren” events sa ibang bansa, ngunit itong nakalipas na aktibidad nitong weekend ang pinakamalaki so far.
Ang Iglesia Ni Cristo ay pinakahuling nagkaloob ng tulong sa maraming mga lugar sa Mindanao pagkatapos ng sunod-sunod na mapamaminsalang lindol na tumama rito noong huling bahagi ng 2019.
Ang kahanay na aktibidad na tinaguring Aid to Humanity ay nakapagbigay ng benepisyo sa tinatayang 300,000 katao sa 220 sites sa lahat ng lugar sa North America, Europe, Asia, Middle East at Africa.
“Ipinangangaral ng ating Executive Minister ang kahalagahan ng pagbibigay ng pag-asa sa mamamayan lalo na ang paglinang sa kanilang buhay espirituwal. Subalit ang mga tao sa buong mundo ay kailangan din ng tulong – pagkain, tirahan, pangunahing pangangailangan – kaya ang INC ay nagsusumikap na tugunan ang mga ito sa nakalipas na mga taon. Tungkulin natin na tumulong sa mga nangangailangan dahil ito ay utos ng Panginoon.”
Inihayag ni Santos na mas marami pang aid activities silang gagawin ngayong taon sa Filipinas at sa ibang bansa.
“Ito ay patuloy na pagsisikap sa aming bahagi. Ang Kabayan Ko, Kapatid Ko at Aid to Humanity” ay kayang makamit ang mas malaki at mas mahusay para sa 2020 at ang bagong dekada,” pagtatapos ni Santos.