GINUGUNITA natin sa araw na ito ang ika-155 na kaarawan ng isa sa pinakadakilang bayani ng ating bayan, si Andres Bonifacio. Paano man turingan, maging ito ay Ama ng Katipunan o Ama ng Himagsikan o ang Dakilang Plebyano, hindi maipagkakaila ang napakahalagang ambag ng tinaguriang Supremong Katipunan sa kasaysayan at kalayaan ng mga Filipino.
Bagamat hindi nakapag-aral ng mahabang panahon katulad ng ibang mga bayani ng bansa, hindi masasabing kapos ang kabayanihang ipinamalas ni Gat Andres Bonifacio. Sa pamamagitan ng sariling sikap at pagtitiyaga, naitaguyod ni Bonifacio ang kanyang sarili at mga kapatid sa kabila ng kanilang maagang pagkaulila sa ama’t ina. Dahil sa likas na pagkahilig sa karunungan at kaunting kakayahang makabasa, pinagbuhusan ng panahon ni Bonifacio ang pagbabasa ng mga nobela ni Dr. Jose Rizal, ang tala ng buhay ng mga pangulo, ang premyadong aklat na Le Miserables, at iba pang lathalain na nagpaalab ng kanyang damdaming makabayan at nagbunsod sa kanya upang bumuo ng samahan na kalaunan ay tatawaging Katipunan.
Likas ang pagiging lider ni Andres Bonifacio kung kaya’t mabilis siyang nakahikayat ng mga kasapi sa Katipunan. Sa pamamagitan ng unang Sigaw sa Pugad Lawin kasabay ng pagpunit ng kanilang mga sedula, naipahayag ng mga Katipunero sa pamumuno ni Bonifacio ang kanilang pagsalungat sa utos ng mga mananakop at paglaban para sa kalayaan at kasarinlan ng bayang Filipinas. Kung tutuusin, ang unang hakbang para sa pagkamit ng kalayaan ay pinamunuan ni Andres Bonifacio at ng kanyang mga kapanalig. Sila ang mga unang tumindig at humawak ng armas upang makipaglaban sa kalupitan at pananakop ng mga dayuhan. Nakalulungkot lamang din na kapwa Filipino ni Andres Bonifacio ang humatol at tumigis sa kanya patungo sa kanyang kamatayan.
Si Andres Bonifacio ay simbolo ng katapangan at kabayanihan ng mga Filipino. Hindi man sumulat ng maraming aklat o lathalin, at hindi man nagkamit ng mataas na edukasyon sa mga unibersidad, taglay ni Andres Bonifacio ang tunay na diwa ng kabayanihan na handang mag-alay ng sariling talino, ng sariling lakas at katawan at handang tumindig at harapang makipaglaban sa kaaway. Ang katapangang kanyang ipinamalas sa digmaan ay tunay na naglalarawan sa katatagan at katapangan na nag-uugat sa likas na pagkamakabayan nating mga Filipino.
Sa kanyang ika-155 kaarawan, manatili nawang buhay ang alaala ng kabayanihan ni Andres Bonifacio at magsilbing ningas ng pag-asa at inspirasyon para sa mga bayani ng kasalukuyang panahon.
Comments are closed.