PASAY CITY – NASA 50 pamilya ang nawalan ng tahanan nang masunog ang halos 10 bahay kabilang na ang mga makeshift na tindahan sa Barangay Villamor sa lungsod na ito kahapon.
Naitala ang sunog alas-2 ng hapon at naapula rin pasado alas-3 ng hapon.
Umabot sa ikaapat na alarma ang antas ng sunog na wala namang namatay o nasugatan.
Sinasabing pawang gawa sa light materials ang mga nasunog na bahay habang isinisi sa kakulangan ng fire hydrant kung bakit lumawak ang sunog.
Una nang may naitala ring sunog sa Constancia Street, Brgy. Olympia sa Makati City kung saan 30 bahay ang natupok .
Bandang alas-8:46 ng umaga nang mag-umpisa ang apoy na umakyat pa sa ikatlong alarma.
Samantala, kahapon din ng ala-1 ng madaling araw nang masunog ang walong bahay sa Barangay Payatas, Quezon City.
Sinasabing nagmula ang apoy sa isang tindahan ng tingi-tinging gasolina habang duda si Angel Soliven, may-ari ng bahay, na sinadya ang pagsunog sa kanilang compound.
Batay naman sa isang residente roon na bago ang pagsiklab ng apoy ay may dumaang lalaki na naka-motorsiklo.
Kaya naman patuloy pa rin ang arson investigation sa naturang fire incident sa nasabing lungsod. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.