KABI-KABILANG SUNOG SA METRO: 5 KATAO MINALAS

SUNOG-TONDO

MAYNILA – LIMANG magkakapatid na paslit ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay 91, Tondo,  kahapon ng umaga.

Ayon sa awtoridad, nasa 12-anyos  o mas bata pa ang edad ng mga nasawing magkakapatid.

Sinasabing iniwan sa kanilang bahay ang naturang magkakapatid nang umalis ang kanilang mga magulang para bumili ng pagkain.

Hindi nakalabas ang mga biktima sa kanilang bahay dahil naka-lock ang pintuan sa labas.

Gayunman, isa sa mga magkakapatid ang nakaligtas nang tumalon ito palabas sa kanilang bintana.

Tinawag pa umano nito ang kanyang kuya para doon dumaan palabas, subalit pinili raw ng nakatatandang kapatid na magpaiwan para samahan at tulungan ang natitira nilang mga kapatid.

Nabatid na alas-11:00 ng tanghali nang idineklarang fireout ang naturang sunog, na tumupok sa 40 na mga bahay.

Samantala, natupok din ang ilang mga bahay sa bahagi ng Luzon Ave­nue sa Barangay Old Ba­lara sa Quezon City.

Nagsimula ang sunog pasado alas-10:00 ng gabi na umabot lang sa unang alarma.

Nagsimula ang sunog sa isang bahay sa bahagi ng Samar 1 kanto ng Luzon Avenue.

Pasado alas-11:00 ng gabi nang maideklara fire out na ang sunog at umabot sa P30,000 ang halaga ng mga natupok na ari-arian.  PAULA ANTOLIN

Comments are closed.