SA inilabas na datos ng Philippine National Police (PNP), umaabot na sa 1,590 na ang bilang ng mga nadakip dahil sa paglabag sa umiiral na Comelec gun ban at kabilang ang 15 kasapi ng PNP at 9 na tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Base sa tala ng PNP Command Center, pinakamarami sa mga nadakip ay mga pasaway na sibilyan na umaabot ngayon sa 1,532, habang 21 naman ang security personnel, at 13 ang iba pa.
Nabatid na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming bilang ng mga naaresto na nasa 553, kasunod ang Region 7 na nasa 179, Region 4A 176, Region 3 167 at Region 6 na umabot sa 84.
Samantala, umaabot naman ang 1,478 police operation ang isinagawa ng pulisya mula Enero 9 hanggang Marso 3 bunsod ng pagpapatupad ng total gun ban kaugnay sa nalalapit na May 9 National at local election.
Nagresulta ang mga nasabing police operation sa pagkaka samsam sa may 1,231 firearms, 572 deadly weapons at mahigit 6,838 bala, ayon pa sa PNP. VERLIN RUIZ