(Kabilang ang P1-B financial aid vs Covid-19) KAMARA KINILALA  ANG MALAKING TULONG NG USAID SA BANSA

KAMARA-5

INAPRUBAHAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang resolusyon na kumikilala at nagpapaabot ng malugod na pasasalamat at pagkilala sa malaking ambag ng United StatesAgency for International Development (USAID) sa bansa, lalo na ang P1-billion financial aid nito para magamit na pondo kontra coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic.

Bago ang pagtatapos ng sesyon ng Lower house noong nakaraang linggo ay kinatigan nito ang House Resolution (HR) No. 954, na pa­ngunahing iniakda nina House Majority Leader Martin Romualdez at Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez.

Binigyan-diin ng mag-asawang mambabatas na marapat lamang na gawaran ng Kongreso ng pagkilala ang USAID sa walang humpay na pagtulong at pagkakaroon ng malasakit lalo na sa panahon na ang mga mamamayang Filipino ay nahaharap sa matinding pagsubok.

“The USAID deserves the highest recognition andadmiration of this grateful nation for its demonstration of goodwill and promotion of democratic values and advances in governance, peace, and democracy.” Sabi pa ng House majority leader at Tingog party-list lady solon.

“The USAID has always been providing full support to the Philippine government’s projects in terms of economic development and governance, education, environment, health, and other humanitarian assistance,” ang nakasaad din sa HR no. 954.

Bukod sa iba’t ibang development projects na ibinigay ng US government, na aabot sa mahigit  P5 bilyon o $100 milyon noong nakaraang Marso, mayroon ding tinanggap ang Filipinas na mahigit sa P762.6 milyon sa pamamagitan ng USAID at US State Department na partikular na gagamitin sa pagsugpo sa COVID-19.

Nitong nakaraang Hunyo 5, inihayag naman ng US Embassy na ang US government ay magkakaloob ng karagdagang P201 milyon sa pamahalaan ng Filipinas kung kaya umaabot na sa P978 milyon ang anti-Covid 19 financial aid ang naibigay ng una.

Binanggit din sa nasabing resolusyon na ang USAID ay nagkakaloob din ng health at humanitarian assistance, tutulong sa implementasyon ng universal health standards, at sa aspeto na maprotektahan ang mga Filipino laban sa  CO­VID-19, tutulungan din nito ang iba’t ibang local governments upang mapagbuti ang health service delivery sa mga barangay hanggang sa household levels. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.