BATAAN- NASABAT ng mga awtoridad ang barko at ilang truck na naglalaman ng milyon-milyong halaga ng fuel sa Brgy, Alas Asin, Mariveles sa lalawigang ito.
Naaresto ng mga tauhan ng Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) kasama ang National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) ang iligal na pagpasok ng langis nitong Sabado.
Nagtungo ang mga awtoridad sa anchorage area para alamin kung totoo ang impormasyon na may mga barko na may dalang smuggled fuel at nililipat sa mga lorry truck.
Sumakay ang MICP-CIIS at NBI-SAU agent sa MT Lorna 2 para kumuha ng sample mula sa 12 compartment ng nasabing barko.
Samantala, 16 na Lorry truck ang kanilang naabutan sa pantalan kung saan lima ang nadiskubre nilang may lamang fuel.
Tinatayang nasa P38.8 milyon ang halaga ng fuel at lorry truck habang P48 milyon naman ang tinatayang halaga ng vessel.
Kaugnay nito, siyam na driver at pitong pahinante o helper ang naabutan ng mga awtoridad at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso dahil sa pag-smuggled ng fuel. EVELYN GARCIA