KABLE TINAMAAN NG KIDLAT: 10 BAHAY NASUNOG

RIZAL-SAMPUNG bahay ang nilamon ng apoy makaraan tamaan ng kidlat ang kable ng kuryente sa Barangay San Jose, Antipolo City nitong Miyerkules ng hapon.

Sa pahayag ni SF02 Batrex Motoc, chief investigator ng Antipolo Fire department, nagsimulang matupok ng apoy ang mga nabanggit na kabahayan nang biglang magliyab ang kuryente na tinamaan ng kidlat at nalaglag ang kawad sa nakatambak na tuyong basura.

Ayon pa kay Motoc, sa lakas ng hangin lalo pang kumalat ang apoy at tuloy- tuloy na nadamay ang iba pang bahay na pawang gawa sa light materials.

Ang sunog na umabot sa unang alarma ay nagdulot ng pangamba sa mga nasunugan kung saan sila pansamantalang titigil lalo pa’ t umuulan tuwing hapon at gabi.

Base naman sa report ng MDRRMO ng bayan ng Antipolo City, walang naisalbang mga gamit at damit ang mga nasunugan kung kaya’ t nananawagan sila sa pamahalaan na mabigyan sila ng kaukulang tulong. ARMAN CAMBE