SA TUWING sasapit ang ikatlong linggo ng Agosto ng bawat taon, inaabangan hindi lamang ng mga Davaoeños kundi ng buong bansa ang makulay, masaya at kabigha-bighaning Kadayawan Festival sa Davao City.
Dinarayo ng mga lokal at maging ng mga dayuhang turista ang pagdiriwang na ito upang masaksihan ang mayaman at natatanging kultura ng rehiyon ng Davao. Sa pangunguna ng isang mahusay at bisyonaryong pinuno tulad ni Mayor Sara Duterte-Carpio, muling magiging kapana-panabik ang matutunghayan sa darating na ika-33 taon ng Kadayawan Festival.
Mismong ang ating Pangulong Rodrigo Duterte, noong siya’y punong lungsod pa lamang ng Davao, ang nagbigay ng pangalang ‘Kadayawan’ sa makulay na pistang ito. Ang Kadayawan ay isang pagpupugay at pasasalamat para sa mga biyayang kaloob sa mga mamamayan, pagbubunyi at pagpapahayag ng malalim na kultura at kasaysayan, at pagbibigay-pugay sa katiwasayan ng buhay ng buong komunidad. Taon-taon ay kinasasabikan ang mga aktibidad na inilalatag para sa Kadayawan na itinuturing na ngayong kabilang sa mga pangunahing pagdiriwang ng buhay at kultura nating mga Filipino at kahanay ng mga premyadong Sinulog Festival ng Cebu, Ati-atihan Festival ng Kalibo at Dinagyang Festival ng Iloilo.
Bukod sa kahalagahang pangkultura ng Kadayawan Festival at ng iba pang mga pagdiriwang ng pamumuhay at kultura ng mga Filipino, ang mga gawaing tulad nito ay nagsisilbi ring kasangkapan ng pagkakaisa ng mga mamamayan at pagkakabuklod-buklod nila sa iisang layunin. Hindi biro ang panahon, lakas at talino na ginugugol upang mapaghandaang mabuti ang mga pagdiriwang na tulad ng Kadayawan. Dahil bawat taon ay tumataas ang expectations ng mga turistang nag-aabang sa pagdiriwang ng Kadayawan, kinakailangang malampasan pa ng gaganaping festival sa taong ito ang naging kulay at ganda niya ng sinusundang taon.
At sa buong proseso ng paghahanda upang maging tunay na larawan ng kulturang Filipino ang mga kapistahang ito, kabilang ang Kadayawan Festival, nasusubok at nasusukat ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang gawing higit pang kaiga-igaya ang kanilang pagdiriwang. Gayundin, kailangan ng isang lider na magtitimon ng direksiyon, maglalahad ng mga gawain at magbibigay halimbawa at inspirasyon sa lahat ng mga mag-aalay ng panahon at talino upang maging matagumpay ang pagdiriwang.
Sa inaasahang matagumpay na pagsasagawa ng 2018 Kadayawan Festival, nasa likod nito ang mahusay na pamumuno ni Mayor Inday Sara at ang suporta ng mga mamamayan ng lungsod sa kanyang layunin.
Marami pang mga pagdiriwang sa ibang panig ng ating bansa ang nararapat ding mapagtuunan ng pansin ng ating Kagawaran ng Turismo sapagkat katulad ng Kadayawan, ang mga pagdiriwang na ito ay sumasalamin din sa naiibang pamumuhay at kaugalian nating mga Filipino. Makatutulong din marahil ang pagpapalakas ng cultural tourism sa bansa sapagkat bukod sa magagandang tanawin na ating maipagmamalaki, matingkad at natatangi rin ang kulturang Filipino. Kinakailangan lamang ng pagkakataong higit pang maipamalas ito sa buong mundo.