‘KADIWA MOBILE PALENGKE’ PARA SA 10 KOOPERATIBA

LUMAGDA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang lokal na pamahalaan ng Pasay at ang Department of Agriculture (DA) na makatutulong sa 10 kooperatiba sa lungsod na matinding tinamaan gn pandemya na dulot ng COVID-19.

Naganap ang paglagda sa nabanggit na kasunduan nina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at DA Undersecretary for Consumer and Political Affairs Kristine Evangelista-Aquino nitong Lunes sa Pasay City Astrodome.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang bawat kooperatiba ay magkakaroon ng kanilang iskedyul tuwing Sabado at Linggo sa lahat ng 201 barangay sa lungsod para sa kanilang “Kadiwa Mobile Palengke.”

Sinabi naman ni Pasay City Cooperative Development Office officer-in-charge Rowena Buenaventura na ang nilagdaang MOA ay makatutulong sa pagtatayo ng “Kadiwa Mobile Palengke” ng 10 kooperatiba sa lungsod na napaketuhan ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Buenaventura, mamamahagi ang DA ng P50,000 sa bawat kooperatiba para sa pagsisimula sa kanilang Kadiwa Mobile Palengke.

Dagdag pa ni Buenaventura na ang DA at tutulong din sa mga kooperatiba sa pag-angkat ng mga paninda mula sa upland at lowland na magsasaka sa murang halaga lamang. MARIVIC FERNANDEZ