‘KADIWA NG PASKO’ INILUNSAD SA METRO

DINUMOG ng mga mamimili ang mababang presyo ng bigas sa inilunsad na Kadiwa ng Pasko sa ibat ibang lungsod sa Metro Manila kung saan nasa P25 lang ang kilo.

Kahapon ay sabay-sabay na binuksan ang Kadiwa Ng Pasko o pamilihan para magsasaka, agriculture worker at maliit na negosyante sa mga lungsod.

Sa San Juan City, inilunsad na ang KNP alas-otso ng umaga kahapon sa kanilang Atrium Hall.

Pinangunahan nina Mayor Francis Zamora at Presidential Son Joseph Simon Marcos ang nasabing aktibidad.

Ang KNP ay proyekto ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa pamamagitan ng Office of the President at Presidential Management Staff katuwang ang Department of Agriculture, Departments of Labor and Employment; Interior and Local Government; Trade and Industry at Social and Welfare Development.

Layunin nito na magbigay ng mura at dekalidad na produkto at pagkain sa publiko upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayong holiday season.

Ang paglulunsad ay sabay-sabay na isinagawa sa Metro Manila kung saan ang nanguna sa Mandaluyong City ay mismong si PBBM; si First Lady Atty. Liza Araneta-Marcos sa Parañaque City; si Ilocos Norte Cong. Sandro Marcos sa Quezon City habang si Special Assistant to the President Sec. Antonio Lagdameo Jr. sa Makati City.

Inilunsad din ang KNP sa Pasay City sa pangunguna ni Presidential Management Staff Sec. Zenaida Angping, DSWD Sec. Erwin Tulfo sa Valenzuela City at OPS Usec Emerald Ridao sa Camp Aguinaldo.

Bukas ang KNP mula alas-7 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.

Pinasalamatan naman ni Zamora ang mga malilit na negosyante at agri worker na nakilahok sa KNP habang hinimok ang kanyang mga kababayang San Juaneños na tangkilikin ang lokal na produkto ng mga magsasaka, mangingisda at maghahayupan at maliliit na ne­gosyante na lumahok sa Kadiwa.

EUNICE CELARIO