INILUNSAD kahapon ni Pangulong R. Ferdinand Marcos Jr. ang special Kadiwa ng Pangulo outlet para sa mga mangagawa na ginanap sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) head office sa Quezon City.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang tinawag niyang Kadiwa ng Pangulo (KNP) Para sa Manggagawa ay patuloy pang madadagdagan sa iba’tibang panig ng bansa sa layuning direktang maibenta at madagdagan ang kita ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na mga negosyante sa pamamagitan ng direktang farm-to-consumer trade.
“Ito po ay aming sinimulan noong Pasko at nakikita po naman natin na pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin kaya ginawan namin ng paraan. Binalikan natin yung dating sistem na drekta na mula sa mga magsasaka hanggang dito sa Kadiwa ay hindi na dumadaan kung saan-saan pang middleman,” wika ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na anuman ang pangangailangan upang madala ang produkto sa Kadiwa ay ang gobyerno na ang gumagawa para sa ganoon ay maibaba ang presyo ng mga bilihin kumpara sa mga nabibili sa supermarket na napakamahal.
Binigyang diin ng Pangulo na ang inisyatibo ay bahagi ng programa ng administrasyong Marcos upang maibsan at hindi gaanong maramdaman ang epekto ng pagtaas ng inflation sa bansa.
Umaasa ang Pangulo na madadagdagan pa ang Kadiwa ng Manggagawa na aniya’ý mayroon na silang mga natukoy na mga lugar na puwedeng paglagyan nito at kinilala ang mahalagang papel ng mga manggagawa sa pag-unlad at pagsulong ng bansa.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga local government units at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng inisyatibo para sa karagdagang mga Kadiwa ng Manggagawa.
“Baka sabihin natin kahit na bumaba ang presyo ng mga bilihin, ipagpapatuloy pa rin natin ang Kadiwa dahil kahit papaano ay may savings pa rin yan kung ang gobyerno ang gumagawa,” dagdag pa ng Pangulo. EVELYN QUIROZ