MARAMING Filipino na ang humahagulgol dahil sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa bansa. Nito lamang nakaraang linggo ay naging kapuna-puna ang pagsipa sa presyo ng gulay, manok, asukal, galunggong at iba pang klase ng isda.
Hindi rin maawat ang pagtaas ng presyo ng bigas at kahit na NFA rice ay mahal na rin bukod sa kaunti umano ang supply. Dagdag pa rito ang pagtaas ng pamasahe sa jeep at taxi, dahilan kung bakit dumarami ang mga Filipino na nagrereklamo na lalo pa silang naghihirap.
Kaugnay nito ay isinusulong ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na muling buhayin ang Kadiwa rolling stores na ipinatupad noong panahon ng kanyang ama, ang dating Pangulong Ferdinand Marcos. Sa ilalim ng sistemang ito, ang mga basic food items at groceries ay ibinibenta sa depressed areas sa mababang halaga upang matulungan ang mahihirap na pamilya.
Sa pamamagitan ng Kadiwa, ang publiko ay makabibili ng pagkain at iba pang produkto nang mas mura, at ang mga magsasaka ay hindi na kailangang akuin ang gastos sa transportasyon. Hindi na rin kailangang dumaan sa mga ahente o mamamakyaw.
“Kailangan nating magsimula ng mga reporma sa supply ng pagkain upang matugunan ang problema ng pagtaas ng presyo ng basic commodities. Kasabay nito, maaari nating palakasin ang ating sektor ng sakahan sa matatag na mga outlet ng Kadiwa – ang mga mamimili ay bumili ng mga produkto ng sakahan sa farm gate prices. Ito ay tulad ng pagbili ng direkta mula sa mga magsasaka. Kaya talagang mura at madali sa bulsa,” sabi ni Governor Marcos.
Ipinahayag din ng gobernadora na upang patatagin ang presyo ng mga pangunahing kalakal, dapat bilhin ng gobyerno ang mga kalakal kapag may sobrang suplay at nagbebenta kapag ang mga stock ay mababa.
Sinabi niya ang kagustuhan ng mga ahensiyang namamahala sa agrikultura na mag-import ng mga butil at iba pang mga kalakal sa halip na bigyan ng prayoridad ang mga pangangailangan ng mga magsasaka.
“Halimbawa, ang NFA (National Food Authority) sa halip na kontrolin ang presyo ng palay ay nagsasagawa lamang ng importation,” ang sabi niya. “Dapat nating baguhin ang ganitong uri ng estratehiya.”
Comments are closed.