KADIWA SA AGRI-NEGOSYO INILUNSAD

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang “Kadiwa Sa Pamahalaan, Tuloy-tuloy na Serbisyo sa Agri-Negosyo” na tutulong sa mga magsasaka at mangingisda sa pagbebenta ng kanilang mga paninda sa mas mababa at kaaya-ayang halaga.

Binuksan nitong Biyernes sa Las Piñas Admin Building ang naturang Kadiwa simula alas-8 ng umaga na tumagal ng hanggang alas-5 ng hapon.

Ang paglulunsad ng lokal na pamahalaan sa naturang proyekto ay naisakatuparan sa pakikipag-ugnayan ng City Agriculture Office sa Department of Agiculture (DA) kung saan napagkasunduan ang pag-ooperate nito tuwing Biyernes sa kaparehong lugar at oras.

Layon ng proyekto ito na matulungan ang mga magsasaka sa Baguio City, Benguet at Mindoro kabilang na din ang mga ma­ngingisda sa pagbebenta ng sariwang gulay at isda sa mas murang halaga.

Kaya’t hiling sa publiko na bumisita sa Las Piñas City hall tuwing Biyernes upang mabigyan ng suporta ang mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga ibinebentang sariwang gulay at isda.

Kasabay nito, pinaa­lalahanan din ang mga residente na bibisita sa “Kadiwa” area na panatilihin ang pagsunod sa ipinatutupad na health at safety protocols laban sa COVID-19. Marivic Fernandez