NAPAPANAHON ang pagbubukas ng Kadiwa Center sa Cagayan dahil ngayong Kapaskuhan ay direkta nang mabibili ng mga Caga-ano ang mga dekalidad na produkto ng mga magsasaka sa murang halaga na bahagi ng “Kadiwa project” ng Department of Agriculture.
Ayon kay ‘Kadiwa Project’ focal person Bernard Malazzab, Jr. ng DA-RO2 na hindi na kailangan ng mga magsasaka na dumaan sa mga “middle man” para lamang makapagbenta ng mga produktong agrikultura sa mga konsyumer sa ilalim ng Kadiwa project.
Aniya, ibinalik ng gobyerno sa tulong ng DA ang Marcosera Kadiwa store system upang matulungan ang mga magsasaka at mga mamimili.
Pinangunahan naman ni Kristine Ylagan, Assistant Secretary for Agribusiness and Marketing ng DA-Central office ang ceremonial launch ng kadiwa outlet sa DA Regional Office, Multi Purpose Cooperative na matatagpuan sa San Gabriel, Tuguegarao City.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Ylagan ang kahalagahan ng bagong marketing strategy ng kagawaran na may layuning mailapit ang mga dekalidad na agri-products sa murang halaga na kauna-unahang inilunsad sa Cagayan sa buong bansa.
Umaasa si Ylagan na tatangkilikin ng mga konsyumer sa rehiyon ang mga ibinebentang produktong pang-agrikultura maging ng pesticides upang mapanatili ang proyekto. REY VELASCO