KADIWA STORES SA METRO OPERATIONAL NA

KADIWA STORE

IKINATUWA ng mga residente sa Metro Manila ang pagbubukas ng Kadiwa Stores kahapon na pangunahing pagbabagsakan ng National Food Authority (NFA) rice.

Kasunod nito, naniniwala si Senator Imee Marcos na malaki ang maitutulong sa pamumuhay ng Filipino sa pagbuhay sa naturang state rice store.

Ang hakbang ay bilang pagtugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Agriculture (DA) na pabahain ng NFA rice ang lahat ng pamilihan upang mapababa ang presyo nito kumpara sa mga commercial rice.

Sa naturang hakbang ay matutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka at makikinabang din ang publiko dahil sa mura pero dekalidad na mga bigas.

Pinatitiyak din sa DA ay bilhin sa mataas na presyo ang palay mula sa magsasaka upang maipaikot ang suplay nito at hindi magkulang sa sandaling magkaroon ng sakuna.

Ang mga Kadiwa Store na operational na ay matatagpuan sa Brgy. 28 sa Dagat-Dagatan, Caloocan City at ngayong araw, Setyembre 16, bukas na rin ang sa Brgy. 128 Zone 10, Smokey Mountain sa lungsod ng Maynila.

Noong Sabado ay inilunsad ni Marcos ang pagbabalik ng Kadiwa stores sa Batasan Hill sa Quezon City kung saan, nakabili ang maraming residente roon ng bagsak presyong mga bilihin. JAYMARK DAGALA-DWIZ882