KADIWA STORES SAGOT SA MATAAS NA INFLATION

KADIWA ni Ani at Kita

IGINIIT ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee na ang pagkakaroon ng Kadiwa Agri-food Terminals sa maraming lugar sa bansa ang solusyon sa patuloy na pagsipa ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Kaya naman nanawagan ang kongresista sa liderato ng Kamara na aksiyunan at agarang aprubahan ang kanyang inihaing House Bill (HB) No. 3957, o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act”, na nagsusulong sa pagtatayo ng Kadiwa stores sa bawat lungsod at munisipalidad.

“Amid the rising prices of food, the scaling up of innovative solutions cannot be overemphasized. One of the successful initiatives is the establishment of Kadiwa centers to make food products affordable,” pagbibigay-diin ni Lee.

“Sa bilis ng pag-arangkada ng inflation, naiiwan na may mas mabigat na pasanin ang ating mga consumer. Kasama rito ang ating mga magsasaka at mangingisda na katiting na nga lang ang kinikita, problemado pa sa nagtataasang presyo ng bilihin,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Lee na noon pa man at hanggang sa kamakailan lamang ay napatunayan ang malaking tulong ng Kadiwa centers, na pinamamahalaan ng Department of Agriculture (DA) at umiikot sa iba’t ibang panig ng bansa, upang magkaroon ng pagkakataon ang mamamayang Pilipino na makabili ng mga produktong mas mura ng 10 hanggang 20 porsiyento kumpara sa presyo sa mga regular na pamilihan.

“Nakita natin kung paano sinusuportahan ng ating mga kababayan ang mga Kadiwa centers na umiikot sa iba’t ibang panig ng bansa. Dumagsa rin ang mga mamimili sa proyektong ‘Kadiwa ng Pasko’ ng Office of the President sa Sta. Cruz, Maynila dahil sa ibinebenta doon na mas murang agricultural products mula sa mga farmer cooperatives,” ayon pa sa mambabatas.

Ang inflation ay sumipa sa 7.7% noong Oktubre, ang pinakamataas magmula noong Disyembre 2008 kung saan ang inflation rate ay umabot sa 7.8%.

ROMER R. BUTUYAN