(ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ang gustong magtayo ng negosyo. Gayunpaman, sa kabila nito ay hindi pa rin mawala-wala sa kanilang isipan ang pag-aalangan. Puwede nga naman kasing malugi o hindi magtuloy ang isang negosyo.
Kung tutuusin nga naman, hindi madaling magtayo ng sariling negosyo lalo pa’t marami kang puwedeng makasalamuhang hirap bago mo masilayan ang tagumpay. Pero sa kabila ng katotohanang walang kasiguraduhan kung lalago o hindi ang isang negosyo, marami pa rin sa atin ang patuloy na na-gangahas ang tinatahak ang naturang landas.
Hindi nga naman kasi mabilang ang mga benepisyo o kagandahang naidudulot ng pagtatayo ng sariling negosyo. At ilan sa kagandahan o benepisyo nito ay ang mga sumusunod:
KASIGURADUHAN SA PAGKAKAROON NG TRABAHO
Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling negosyo, dulot nito ay siguridad sa trabaho. Kahit pa sabihin kasing may trabaho tayo ngayon at hindi naman tayo ang may-ari, maaaring magbago ang mundo. Kumbaga, maraming puwedeng mangyari na hindi natin inaasahan. Puwedeng may trabaho ka ngayon, at bukas ay wala na.
Pero kung may sarili kang negosyo, hindi ka kakaba-kaba na darating ang panahong mawawalan ka ng hanapbuhay.
HAWAK ANG PANAHON AT ORAS
Kapag nga naman empleyado at hindi tayo ang may-ari ng kompanyang pinaglilingkuran, hindi natin mahahawakan ang oras natin at panahon. Ka-dalasan, walong oras ang kailangan nating ilagi sa trabaho. Ngunit sumosobra rin ang walong oras lalo na kung hiningi ng nakatataas o boss na mag-overtime.
Kung may sarili kang negosyo at ikaw ang namamahala nito, mas gagaan ang lahat sapagkat ikaw nga naman ang bahala kung paano mo gugugulin ang panahon at oras na mayroon ka. Puwede ka ring mamili ng oras at araw kung kailan ka magsi-set ng meeting o makikipag-usap sa mga empleyado. Kumbaga, hindi na ikaw ang mag-a-adjust ng oras kundi ang mga taong naglilingkod sa iyo.
NALILINANG AT NADARAGDAGAN ANG KAKAYAHAN
Isa rin sa kagandahan ng pagkakaroon ng sariling negosyo ay nalilinang nito ang ating kakayahan at nadaragdagan. Bilang may-ari ng isang negosyo, hindi nga naman puwedeng makontento tayo sa kung ano ang alam natin. Kumbaga, gumagawa tayo ng paraan upang mapalawak ang ating kaalaman at kakayahan na makatutulong sa paglago ng sinimulang negosyo. Inaaral ang iba’t ibang apseto ng pagnenegosyo mula nga naman sa social media market-ing, content marketing hanggang sa customer service.
PAGIGING EKSPERTO SA ISANG BAGAY
Isa ring oportunidad upang maging eksperto tayo sa isang bagay ang benepisyo o kagandahan ng pagtatayo ng isang negosyo. Pansinin na lang na-tin, kung tayo ang may-ari ng isang negosyo, tiyak na hindi tayo tatamad-tamad at tutulog-tulog dahil kapag ginawa natin iyan, paniguradong magsa-suffer ang ating negosyo. Bagkus ay nagpapakadalubhasa tayo sa isa o mga bagay na makatutulong upang lumago ang sinimulang negosyo.
NAGKAKAROON NG PAGKAKATAONG KUMITA
Ano pa nga ba naman ang asam ng marami sa atin kung kaya’t nagtatayo ng negosyo? Hindi ba’t ang kumita. Ang umalwan ang buhay. Ang maibigay ang mga pangangailangan ng buong pamilya.
Pagkakataong maging maayos ang buhay at kumita ng malaki, iyan ang benepisyong dulot ng pagkakaroon ng sariling negosyo.
Hindi na nga naman uso ang pag-upo-upo tapos gusto mong magkaroon ng kita o pera. Siyempre, mahalagang pinaghihira-pan ito.
Masarap isiping mayroon tayong sariling negosyo. Sa rami nga naman ng kagandahan o benepisyong maibibigay nito sa atin, talagang aasamin nating magtayo ng sariling mapagkakakitaan kahit pa maliit lang. Pero siyempre, kailangan ding maging handa tayo sa kaakibat ng pagnenegosyo. Nariyan kasi ang problema at pagsubok na kailangan nating makayanan o malampasan. Pero kung desidido ka, walang makahahadlang sa iyong magtayo ng negosyo. (photo credits: Google)
Comments are closed.