KAGAWAD, 1 PA TIMBOG SA ILEGAL NA TROSO

LEYTE-KALABOSO ang isang barangay councilor at kasabwat nitong truck driver sa kasong transporting banned species ng troso nang masakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Eastern Visayas Regional Office (NBI-EVRO) sa Tacloban City nitong Lunes.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD705 (Forestry Reform Code of the Phil.) ang mga suspek na sina Clyde Rey Balaan, barangay councilor, ng Lianga, Surigao del Sur; at Elward Lomongcan, truck driver.

Ayon kay NBI Officer-In-Charge Director Eric B. Distor, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagpupuslit ng illegal cut lumber na “iron wood” (magkuno) mula sa isla ng Mindanao.

Nabatid na ang 13 pirasong iron wood ay lulan ng 12-footer wing van/truck kung saan ang point of entry ay sa Port of San Ricardo na dadalhin sa buyer ng mga suspek sa bayan ng Bato, Leyte at Maasin City, Southern Leyte.

Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng NBI-EVRO kasama ang DENR Region 8 laban kina Balaan at Lomongcan na nasakote ang mga ito sa entrapment operation.

Narekober sa mga suspek ang P900-K marked money, isang unit na 12-wheeler truck, at 13 pirasong iron wood lumber na banned species lumbers kung saan dinala na sa pangangalaga ng DENR-PENRO sa bayan ng Palo, Leyte.

Naiprisinta na ang dalawang suspek sa Office of the City Prosecutor sa Tacloban City para sa inquest proceeding sa pagsasampa ng kasong paglabag sa PD705. MHAR BASCO