KAGAWAD, 2 IBA PA TIKLO SA DRUG BUST OPERATION

drug bust operation

CAVITE – KALABOSO ang binagsakan ng 49-anyos na barangay councilor at dalawang kasabwat nito makaraang masakote ng pangkat ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA- 4A) sa ikinasang anti-drug operation sa bahagi ng Brgy. Ramon Cruz sa bayan ng General Mariano Alvarez sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Sa police report ni Chief Insp. Romulo Dela Rea na naisumite sa Camp Pantaleon Garia, kinilala ang mga suspek na sina Barangay Councilor Wilfredo Abrillo y Abad, Mary Joy Reyes, 22; at Lando Rivera y Vasquez, 51, nasa drug watchlist, pawang nakatira sa nasabing barangay.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na anti-drug operation sa pangunguna ni PO3 Gerald Bohol Acosta laban kay Vasquez kung saan nakumpiskahan ito ng anim na plastic sachet ng shabu at P300 marked money.

Gayunpaman, habang binibitbit ng pulisya ang suspek ay pinigilan nito sina Councilor Abrillo at Reyes kung saan sumiklab ang kaguluhan hanggang sa masaksak sa braso si PO3 Acosta.

Nabatid na si Vasquez ay brother-in-law ni Councilor Abrillo na pinigil ang pag-aresto ng pulisya kaya ito tinuluyang arestuhin at kakasuhan ng paglabag sa Presidential Degree #1829.

Isinailalim sa drug test at physical examination ang mga suspek bago ikulong habang dadalhin naman ang mga nakumpiskang droga sa Cavite PNP Crime Laboratory sa Imus City para sa chemical analysis. MHAR BASCO