CAVITE – NAPAAGA ang salubong ni kamatayan sa 50-anyos na barangay kagawad matapos ratratin ng hindi pa nakikilalang gunman na nakamotorsiklo sa bahagi ng Brgy. 54 San Roque, Cavite City sa lalawigang ito, Linggo ng umaga.
Sapol ulo ang biktimang si Kagawad Filimon Ambrocio Jr y Santiago habang tumakas naman ang gunman sakay ng motorsiklo na walang plaka.
Sa inisyal na police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nagmomotorsiklo ang biktima kasama ang kanyang live-partner na si Susan Alejo y Edralin nang sundan at ratratin ng gunman pagsapit sa panulukan ng E. Mariano Street sa nasabing barangay.
Nabatid na ang biktima ay sinasabing kakandidatong barangay chairman sa darating na barangay election kung saan pinaniniwalang may kinalaman sa politika ang pagpatay. MHAR BASCO