ORIENTAL MINDORO- PAGNANAKAW ang isa sa mga pangunahing motibong tinututukan ng Calapan City Police Office matapos na madiskubre ang bangkay ng isang dentist na kasalukuyan din nanunungkulan bilang barangay Kagawad sa kanilang lugar sa Calapan City sa lalawigang ito.
Nabulaga ang mga kapitbahay ni Dr. Augustine Bolor Jr. o kilala bilang “Doc Teng” nang madiskubre ang bangkay nito kahapon ng umaga sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Vicente Central .
Ayon kay Lt. Col. Danilo Driz, hepe ng Calapan police, nadiskubre bandang alas-8:30 ng umaga ang bangkay ng biktima may mga saksak.
Malaki umano ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo sa krimen, sabi ni Driz dahil kilalang mayaman ang nasabing dentista.
Sinasabing minsan na umanong nag-viral ang biktima sa social media dahil sa pag-flex nito ng napakaraming suot na alahas.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng SOCO at Calapan police sa pinangyarihan.
Habang inaalam na ng mga awtoridad ang kakikilanlan ng responsable sa krimen. VERLIN RUIZ