ZAMBOANGA DEL SUR – AGAD na binawian ng buhay ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng armadong kalalakihan sa Dumalinao sa lalawigang ito.
Sa report ng pulisya, kinilala ni Col. Restituto Pangusban, Zamboanga del Sur police director, ang biktima na si Michael Verallo, barangay councilor ng Barangay Upper Dumalinao at residente ng Purok Mangga, Barangay Upper Dumalinao.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na sakay si Verallo ng puting XRM 125 na motorsiklo pauwi sa kanyang bahay sa nabanggit na lugar sa Barangay Upper Dumalinao nang lumabas mula sa madamong bahagi ng lugar ang dalawang hindi pa tukoy na gunmen at binaril ito nang makailang ulit.
Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Ayon sa pulisya, si Verallo ay mayroong 17 gunshot wounds, 10 sa kanyang ulo, anim sa kanyang katawan at isa sa binti na sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Narekober ng mga imbestigador ang mga shell mula sa .45 kalibre at 9-mm pistola sa crime scene.
Nagpatawag ng emergency meeting si Pangusban nitong Sabado ng umaga, Enero 4 at lumikha ng special investigation team para pabilisin ang imbestigasyon sa nasabing pamamaslang.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamilya ng biktima upang malaman ang posibleng motibo ng pamamaril.
EVELYN GARCIA