KAGAWAD TODAS SA PANANAMBANG

MAGUINDANAO DEL NORTE – BINAWIAN ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang isang barangay kagawad nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang mga armadong lalaki nitong Sabado ng hapon sa Datu Piang ng nasabing lalawigan.

Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni Lt. Colonel Armando Liwan, chief of police ng Datu Piang Police Station, ang biktima ay nakilalang si Leonardo de Jesus Jr., 59-anyos, incumbent barangay kagawad ng Poblacion.

Base sa isinagawang pagsisiyasat ng imbestigador na may hawak ng kaso nabatid na kasalukuyang nakaupo ang biktima sa front seat ng kanyang silver Toyota Innova na minamaneho ng kanyang anak nang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga armado na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng kalsada sa Barangay Kanguan pasado alas-4 ng hapon.

Agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima, subalit binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa isang lokal na pagamutan.

Daglian namang tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo dala ang armas na ginamit sa pananambang sa biktima.

Naniniwala ang mga imbestigador ng pulisya na ang pag-atake ay maaaring walang kaugnayan sa paparating na halalan dahil hindi naman kumakandidato ang biktima. EVELYN GARCIA